Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa inyo, Dr. Love. Mangyaring ikubli mo na lang ako sa pangalang Iris, 20-anyos.
Dalawa kaming magkapatid na parehong babae at ako ang bunso. Pareho kaming nag-aaral pa ni ate.
Ang nanay ko ay 45-anyos, biyuda at nakipag-live-in sa isang lalaking kasing edad ko lang. Pareho kaming tutol sa ginawa ng aking ina na ang boyfriend ay sa bahay pa namin itinira.
Hindi naman kami puwedeng tumutol dahil mga anak lang kami at si nanay ang bumubuhay sa amin at tumutustos sa aming pag-aaral.
Ang ayaw namin, masamang tumingin sa aming magkapatid ang ka-live-in ni nanay. Natatakot kami na baka pasukan siya ng demonyo at gawan kami ng masama.
Minsang nagsumbong ako kay nanay pero kinagalitan pa niya ako at sinabihang umalis sa bahay namin kung takot ako.
Tulungan mo ako at ang aking kapatid, Dr. Love.
Iris
Dear Iris,
Kung mayroon kayong malapit na kamag-anak na inaakala ninyong dadamay sa inyo, doon kayo magsumbong.
Mas mabuti nga kung kayo na ang kusang lumayo sa inyong tahanan pero dahil wala kayong trabaho, hindi naman kayo puwedeng mangupahan. Isa pa, pareho pa kayong nag-aaral ng ate mo.
Marahil, ang isang kamag-anak ay puwede kayong tulungan sa inyong problema.
Dr. Love