Dear Dr. Love,
Maligayang bati sa iyo at sa angaw-angaw mong readers. Ako po ay nangahas na sumulat sa inyo dahil sa aking problema sa pag-ibig.
Tawagin mo na lang akong Leandro, 19-anyos at kumukuha ng management. May best friend ako mula sa pagka-bata. Siya ay si Norman. Matalik kaming magkaibigan sa matagal na panahon at masyadong imposing ang kanyang character kaya ako lagi ang sumusunod sa kanya. Hindi ko maintindihan pero talaga yatang weak ang personalidad ko. Katunayan, magkasama kaming kumuha ng iisang kurso sa isang unibersidad dahil siya ang pumilit sa akin.
Sa aming paaralan ay may bagong pasok na coed na pareho naming nakilala sa isang party. Ang problema ay pareho kaming nagkagusto.
Nang malaman niya na kursunada ko ang babae, sinabihan niya ako na paubaya ko na raw ito sa kanya. Hindi ako nakakibo. Sa buong panahong magkaibigan kami ay lagi na lang siya ang sinusunod ko. Paano ko maigigiit ang gusto ko?
Leandro
Dear Leandro,
Kung mahal mo ang babae, kesehodang masira ang inyong pagkakaibigan. May kasabihang all is fair in love kaya kahit magkapatid pa kayo, may karapatan kayo parehong manligaw sa isang babae. Dapat kung sino ang magugustuhan ng babae ay tatanggap ng pagkatalo ang isa.
Sa tingin ko, masyado kang inaabuso ng sinasabi mong matalik na kaibigan. In other words, nagpauto ka sa mahabang panahon. Panahon na para ipakita mo ang iyong pagkalalaking maginoo.
Dr. Love