Kursunadahing anak

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo at sa lahat ng mga tagasubaybay ng column na ito. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa ang aking liham.

Lumiham po ako para isangguni ang problema ko sa aking anak. Transferee ang Grade 8 kong anak na si Angelo sa pinapasukan niyang eskwelahan ngayon. Nagpasya akong ilipat siya dahil binu-bully siya ng mas malalaking estudyante sa dati niyang school.

Nakaapekto po ang pambu-bully kay Angelo sa kanyang class standing. Kaya bago mahuli ang lahat ay inilipat ko na siya ng paaralan. Pero hindi ko sukat-akalain na panibagong problema ang susulpot.

Hindi nga po nabu-bully ang anak ko, bagkus ay sikat siya sa kanyang school ngayon bilang basketball player. At talagang maraming dalagita ang humahanga sa kanya.

Sa totoo lang po, aminado naman ako na hindi ko makokontrol ang sitwasyon dahil ang mga babae ang lumalapit sa aking anak. Ang tanging tinututulan ko lang po ay ang ligaw-ligaw.

Napapako po kasi ang oras ni Angelo sa panliligaw at halos walang panahon para sa kanyang pag-aaral.

Mas nag-panic ako nang makita ang kanyang class card, apat na subject po ang bagsak. Hindi pa alam ng kanyang ama ang tungkol dito at nanga­ngamba akong sa akin na naman bumagsak ang sisi.

Nag-aalala rin ako dahil maaaring makaapekto sa scholarship ni Angelo sa opisina ng papa niya ang standing niya sa pag-aaral ngayon. Kinausap ko na ang teacher niya at sinabing ang kailangan lang ay mag-focus sa pag-aaral si Angelo at wala munang extra curricular activities.

Paano ko po maipapaunawa ng mabuti kay Angelo ang tungkol dito, Dr. Love? Sa pakiwari ko ay hindi nakikinig ang aking anak kapag pinagsa­sabihan ko siya.

Gumagalang,

Mrs. Paglinawan 

Dear Mrs. Paglinawan,

Hingin mo ang tulong ng iyong mister at siyang kumausap sa inyong anak. Dahil bilang ama at lalaki ay mas may idea siya kung paano i-handle ang problemang nagbibinata ninyong anak. Isa pa, maaaring kailangan lang ng inyong anak ang atensiyon ng isang ama. Kaya sikapin mo na mai-relay nang mahinahon sa iyong mister ang kalagayan ng inyong anak at gawin mo ito sa lalong madaling panahon. 

DR. LOVE

Show comments