Dear Dr. Love,
May boyfriend po ako ngayon at may limang buwan na kaming lumalabas para mag-date.
Si Charles po ay isang dating sundalong militar, hiwalay siya sa kanyang asawa sa nakalipas na sampung taon. Wala umano silang anak at ngayon ay 45 years old na siya.
Bagaman hiwalay sila ng misis niya, hindi pa sila kapwa gumagawa ng hakbang para maipawalang bisa ang kanilang kasal, para makapagpakasal sila pareho sa kani-kanilang mga karelasyon sa kasalukuyan.
Ang sabi sa akin ni Charles, hindi pa niya ganap na makalasan ang asawa niyang si Doris dahil naaawa siya rito. May sakit daw ito at ginagamit nito ang health care na siya ang nagbabayad.
Bulag kong pinaniniwalaan ang dahilan niyang ito. Dr. Love, nangangarap din po ako na bumuo ng sarili kong pamilya at kayang-kaya kong bigyan ng kahit ilang anak si Charles, bagay na matagal na niyang pangarap. Wala kasing kakayahan ang asawa niyang magbuntis.
Ang sabi sa’kin ni Charles, natagpuan niya raw sa akin ang lahat ng katangian ng babae na hinahanap niya. Pero wala pa kaming napag-uusapan kung may plano siyang gawing legal ang aming pagsasama. Ako po ba ang dapat na gumawa ng initiative para malaman ko kung mananatili bang floating ang relasyon namin o pakakasalan niya ako? Pero ayaw pa naman niya na pinangungunahan siya sa mga isyung dapat pagpasiyahan. Pagpayuhan po ninyo ako.
More power to you.
Gumagalang,
Gilda
Dear Gilda,
Gaya ng kasabihan na ang nagsasabi ng tapat ay nagsasama ng maluwat. Wala akong nakikitang problema kung mag-open ka ng damdamin mo sa iyong boyfriend. Kung tunay ang pagmamahal niya sa’yo, papawiin niya ang pangamba na meron ka.
Maaari mong gawin ito nang hindi magmumukhang pinangungunahan mo siya. Pahapyawan mo lang, magkwento ka ng mga common friend na nagbabalak magpakasal o nagpakasal na. Sa palagay ko mature na ang boyfriend mo para ma-pick up niya kung ano ang nasa kalooban mo.
DR. LOVE