Naghahabol na ina

Dear Dr. Love,

Greetings to you and your whole PSN family. Nagpapasalamat ako kay Lord sa column mo na lagi kong binabasa dahil sa mga gintong aral na napupulot ko.

Tawagin mo na lang akong Benilda, 41 anyos­, hiwalay sa asawa. Naghiwalay kami dahil­ sa hindi­ mapigilan niyang pambababae.

Mayroon akong dalawang anak sa kanya. Ang babae ay nasa poder ko at ang lalaki ay sa poder niya.

Parehong menor de edad pa ang mga anak namin. Ang bunso ay 7 anyos at ang isa ay 9 anyos. Gusto ko sanang makuha sa poder niya  ang aking anak na lalaki. Ang problema, ipinagkakait niya ito sa akin. Ni hindi ko ito mabisita.

Pasalamat daw ako at nasa akin ang bunso. Hindi raw ako dapat maging ina ng mga anak niya dahil taksil daw ako. Hindi totoo ‘yun, Dr. Love. Ginagawa niyang dahilan ang aking pagtataksil kung bakit siya kumuha ng ibang babae. Pero malaking kasinungalingan ‘yun.

Ano ang gagawin ko?

Benilda

Dear Benilda,

Isang problemang legal ang kinakaharap mo at hindi ako abogado para magbigay ng legal advice. Ang tanging masasabi ko lang ay ikonsulta mo sa isang mahusay na abogado ang problema mo.

Hindi mo nasabi kung legal ang paghihiwalay ninyo. Ibig kong sabihin, may formal annulment ba kayo na mula sa korte? Kung wala, nananatili kayong mag-asawa.

Kung totoong hindi ikaw ang nangaliwa, may laban ka sa usapin dahil ang mister mo ang lumayas­ para makisama sa ibang babae na isang paglabag sa batas na kung tawagin ay concubinage. Sa lalung mada­ling panahon ay kumunsulta ka sa abogado.

Dr. Love

Show comments