Dear Dr. Love,
Nakalatag na ang mga preparasyon sa aking pagpapakasal pero hanggang ngayon ay labag pa rin sa kalooban ko na ihatid ako ng aking ama sa altar. Dahil hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa niyang pagsasamantala sa kahinaan ni mama.
Wala pang isang taon nang pumanaw si mama ay nagpakasal si papa sa caregiver na noon ay nag-aalaga sa aming ina. Malinaw na buhay pa ang aking ina ay sinasamantala nila ang sitwasyon.
Panay ang pahaging ko noon sa aking ina na umiiral na naman ang pagka-playboy ni papa. Pero natatawa lang si mama at sinabi na mabuti raw dahil may mag-aalaga na sa kanya kapag nawala na siya sa mundo.
Nangyari ang kasalan dahil may laman na ang sinapupunan ni Linda. Kami naman ng aking kapatid na lalaki ay nagpasyang umalis sa aming bahay at bumili ng condo.
Ang mga iniwanan sa amin ni mama na lupa at iba pang ari-arian ay ipinaubaya na namin sa aming ama at sa kanyang bagong pamilya. Sila na rin ang bahala kay papa sa sandaling magkasakit ito.
Pero hindi pumayag ang abogado, dahil nananatili ang share namin sa lahat ng iniwan ng aming ina.
Ano po ang dapat kong gawin para maging maluwag sa kalooban ko na ang aking ama na gumawa ng hindi maganda sa noo’y naghihirap kong ina, ang siyang maghahatid sa akin sa altar? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Rona
Dear Rona,
Huwag mong ikulong ang buhay mo sa sama ng loob. Dahil anuman ang nagawa niya, ama mo pa rin siya. Sa ating kultura, ang ama ang siyang may awtoridad para ihatid ang anak na babae sa altar.
Hayaan mo lang na sa bahaging iyon ng kanyang pagiging ama ay magampanan niya ng tama. Pagsikapan mo rin na hanapin ang puwang ng pagpapatawad sa kanya. Mas magiging makabuluhan ang iyong kasal kung pakakawalan mo ang iyong puso sa sama ng loob.
Dahil hindi ito makakabuti sa’yo, lalo na sa sandaling magdalang-tao ka na.
DR. LOVE