Naisahan ng asawa

Dear Dr. Love,

Ano po ba ang dapat gawin ng isang asawang tulad ko matapos matuklasan na ang panganay ko palang anak ay iba ang ama?

Wala po akong kaalam-alam na nang magpakasal kami ni Linda, ang dinadala niya sa sinapupunan ay hindi ko pala anak.

Kaya napaaga ang kasal namin, dahil sinabi niyang nagkabunga ang isang gabi naming pagsisiping bago ako umalis noon patungong Dubai para magtrabaho. Natatakot daw siyang magalit ang mga magulang niya sa sandaling malamang buntis siya.

Kaya agad-agad akong nagbakasyon para pakasalan siya. Simple lamang ang kasalan pero sa simbahan ang seremonya. Bumalik din ako agad ng Dubai pagkatapos. Iniwan ko ang pangakong magbabakasyon uli sa sandaling maipanganak na ang aming panganay.

Akala ko ay tuluy-tuloy na ang magandang buhay. Nakaipon na rin ako para sa pangarap na computer café. Pero nang maaksidente si Jeffrey, dun na lumabas ang matagal nang ipinaglilihim sa akin ni Linda.

Nangailangan ng blood transfusion si Jeffrey. Pero ikinabigla ko ng husto dahil hindi kami magkatipo ng dugo, maging ang mga kapatid niya ay hindi niya katipo.

Nakaligtas sa bingit na kamatayan ang bata pero hindi sa komprontasyon ang aking asawa. Inamin naman niya na nagkaroon siya ng relas­yon sa iba at plinano niyang ipasalo sa akin ang bunga noon.

Dr. Love, mahal na mahal ko ang aking panganay, maging ang mga kapatid niya. Pero nasira ang respeto ko sa aking asawa. Hindi ko na magawang makisiping sa kanya. Ayaw kong mawasak ang aming pamilya. Tulungan po ninyo ako.

Gumagalang

Waldo

Dear Waldo,

Kung minsan dahil sa tindi ng sakit na nararanasan natin, nagiging napakahirap ang magpatawad. Pero kung mangingibabaw ang pagmamahal mo para sa iyong mga anak, naniniwala akong unti-unti ay magkakaroon ng puwang ang pagpapatawad mo sa kanilang ina.

Hingin mo ang grasya ng Diyos para rito, siya ang ganap na makakapagpabago sa puso mo.

DR. LOVE

Show comments