Dear Dr. Love,
Isang katotohanan ang lumantad sa akin nang ang mag-ina nakiramay noon sa burol ng aking tatay ay nalaman kong mag-ina niya rin. Ipinagtapat ito sa akin ng halos kaedad ko na nagpakilang anak ni tatay, na siya ring nagsabing may kapatid pa siyang lalaki na anak din ng aking yumaong ama.
Ang totoo po, Dr. Love, medyo okey pa ako sa sinabi ni Bella na naunang naging magkarelasyon ang nanay niyang si Matilde at si tatay, bago pa sila ikinasal ng nanay.
Pero ang bahaging may kapatid pa siyang lalaki ay nagkaroon ng ibang dating sa kalooban ko. Hindi ko sukat-akalain na magagawa ni tatay na lokohin ang aking ina at kaming dalawa niyang anak.
Hindi ko po masisisi si Bella sa paghahangad na kilalanin ng pamilya bilang half siblings, pero hindi ko alam kung matatanggap ito ng aking ina. Ni-hindi ko po alam kung paano ko ito sasabihin sa kanya o dapat ko pa bang sabihin.
Nangangamba ako na baka hindi makabuti kay nanay na malaman pa ang tungkol dito, dahil dumaranas na siya ng alta-presyon at baka makasama pa sa kanya.
Paano po ang mabuting kong gawin, Dr. Love? Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at hangad ko po ang mahalaga ninyong payo sa kapayapaan ng aking damdamin.
Magandang araw po sa inyo at God bless you always.
Gumagalang,
Mercy
Dear Mercy,
Maraming bagay ang hindi natin inaasahan pero nangyayari o nangyari na. Ang maipapayo ko lang, hayaan mo na ang tadhana ang maglandas tungkol sa nalaman mong katotohanan. Para na rin sa kabutihan ng kalusugan ng iyong ina.
Dahil lahat naman ng bagay ay may tamang panahon.
DR. LOVE