Inayawan ng magiging biyanan

Dear Dr. Love,

Walang kasing ligaya ang pasok ng Bagong Taon para sa akin, dahil natupad na ang matagal ko nang idinadalangin na magkaroon ng permanenteng trabaho. Ito po ang hinihintay namin ng boyfriend ko para mailatag na rin ang planong pagpapakasal.

Ang problema po, ayaw sa akin ng ina ni Rodel. Prangkahan po niya itong inihayag at ipinakita sa akin nang minsang magkita kami. Hindi ko po napigilang humagulgol pagkatapos namin mag-usap.

Dalawang taon na po ang nakakalipas nang pumanaw ang ama ni Rodel, nag-iisa po siyang anak. Kaya sa madaling salita, sila na lang ng kanyang ina ang natitirang pamilya.

Ayaw ko po na magkasiraan ang mag-ina, lalo na dahil sa akin. May sakit na alta-presyon ang ina ng boyfriend ko kaya nang tanungin niya ako kung bakit ako umiiyak ay tumanggi akong sabihin.

Pero hindi niya ako tinantanan hanggang sa mapilit niya akong magsalita. Nagtiim-bagang po si Rodel at napalitan ng galit ang masaya niyang mukha nang mag-open na ako. Alam kong kukomprontahin niya ang kanyang ina.

Ilang araw kaming hindi nagkita ng boyfriend ko at nang sumunod na linggo, nalaman ko na lang na nasa ospital na ang kanyaang ina. Hindi po ako nagkamali na nagkasamaan sila ng loob. At si Rodel ang nagbabantay sa kanya.

Nang magkausap kami ni Rodel, inakala ko na makikipaghiwalay na siya. Pero nagkamali ako, dahil nakiusap siya na bigyan siya ng kaunti pang panahon para matupad namin ang pangarap na magpakasal. Sinabi ko na nakahanda akong maghintay at gawin ang anumang hakbang para mapalapit sa kanyang ina.

Paano ko ito gagawin, Dr. Love? Ni-ayaw akong padalawin ng nanay ni Rodel sa ospital. Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Chuchay

Dear Chuchay,

Ang maipapayo ko sa’yo ay huwag kang manghinawa na manuyo at magpasensiya. Alam kong malalampasan ninyo ni Rodel ang bagay na ‘yan, dahil nagmamahalan kayo. Good luck Chuchay.

DR. LOVE

Show comments