Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kaming live-in ng boyfriend kong si Richard. May pangako siyang magpapakasal kami sa sandaling ma-promote siya sa trabaho, dahil ayaw naman daw niyang ako ang bumalikat ng gastos sa aming pagpapamilya.
Matatag at permanente po ang trabaho ko, kumpara sa kanya na contractual pa lang sa isang government agency.
Nagkaroon po ako ng malaking pangamba sa aming relasyon nang minsan payagan ko siyang dalawin ang dating nobya sa kanilang probinsiya na sinasabi niyang may cancer.
Kababayan niya rin daw si Nerissa, na isang guro na ulila nang lubos pero maraming minanang ari-arian mula sa kanyang mga magulang.
Pagbalik ni Richard sinabi niyang hindi na magtatagal ang buhay ni Nerissa at hiniling nito sa kanya na kung maaari ay pakasal sila para may dahilan na maiwan sa kanya ang mga ari-arian niya sa sandaling pumanaw na siya.
May mga kamag-anak naman daw si Nerissa pero gusto niyang kay Richard mapunta ang lahat para matulungan daw itong makaahon sa hirap.
Dr. Love, hindi ko po alam kung sasang-ayunan ko ang bagay na ito. Unang-una hindi ko naman talaga alam kung totoong may sakit si Nerissa. Pangalawa, hindi naman po maganda kung ang habol lang sa pagpapakasal ay ari-arian. At pangatlo, matagal ko nang nararamdaman na may pagtatangi pa si Richard sa dati niyang nobya at pinanghihinayangan niyang nagkasira sila.
Tulungan po ninyo akong magdesisyon.
Gumagalang,
Angeli
Dear Angeli,
Para sa akin, hindi na mahalagang alamin mo pa ang tunay na kalagayan ng dating nobya ng boyfriend mo. Ang mahalaga mong makumpirma kung nasa iyo pa ba ang puso niya o sa nakalaan na ito sa iba.
Hindi madaling tanggapin ang bagay na ito. Pero para sa akin, mas mabuti na ang magparaya, kaysa manatili sa kunwaring relasyon na lang.
DR. LOVE