Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati sa iyo, Dr. Love. Matagal-tagal na akong tagasubaybay ng iyong column at heto ako ngayon para humingi rin ng payo sa iyo.
Itago mo na lang ako sa alyas na Gema. Marami rin akong napupulot na pointers mula sa mga payo mo pero ngayon ay magiging specific ako sa aking problemang ihihingi ng payo.
Kung lovelife ang pag-uusapan, wala na akong mahihingi pa dahil sobrang mapalad ako. Napakabuti at mabait ng aking papa at mama, at nakatagpo ako ng kasintahang faithful at mapagmahal.
Kakaiba ang boyfriend ko. Kay dami niyang sakripisyong ginawa para sa akin. Minsan ay napag-usapan namin ang pagpapakasal. Buo na ang plano. Pero kung minsan sa aking pag-iisa ay may pangamba ako.
Ang kinatatakutan ko ay baka matulad ako sa iba kong kaibigan na iniwanan ng asawa dahil sumama sa ibang babae. Natatakot akong mangyari ito sa akin. May tiwala ako sa boyfriend ko pero tatlong kaibigan ko ang dumanas ng pangangaliwa ng asawa.
Isa pa, maliit lang ang suweldo ng boyfriend ko dahil ordinary employee lang siya sa gobyerno. Baka hindi niya kayang bumuhay ng pamilya. Pagpayuhan mo po ako.
Gema
Dear Gema,
Tingin ko ay hindi ka pa handang mag-asawa kaya punumpuno ka ng takot. Pero ang mga kinatatakutan mo ay hindi pa nangyayari.
May kasabihang it takes two to tango. Ibig sabihin, nagtataksil ang asawa dahil may pagkukulang ang partner. Iyan ang iwasan mo para maiba ka sa iyong mga kaibigan.
Saka ‘di ba sabi mo maraming sakripisyo ang ginawa ng boyfriend mo alang-alang sa inyong relasyon? Hindi mo man idinetalye, nakikita ko na mahal ka ng kasintahan mo. Bakit dapat kang mangamba?
Kaya ang masasabi ko, bago mo pasukin ang buhay may asawa ay pakasuriin mo muna ang iyong sarili kung handa ka na.
Dr. Love