Dear Dr. Love,
Problema ko po ang aking apo na mistulang lulong na lulong sa kanyang nobya. Sa aking bahay sila ng kanyang ina, na bunso kong anak nakatira.
Mula nang maghiwalay si Pia at ang kanyang asawa ay nasa poder ko na sila. Ako rin ang nagpapaaral kay Thelmo dahil kahit may trabaho ang aking anak, hindi ito sapat para sa kanilang pangangailangan at pagpapaaral sa kolehiyo.
Ang lagi kong dasal ay makatapos ng pag-aaral ang aking apo para makatulong sa kanyang ina. Pero nangangamba ako na ang nobya pa niya ang nagpupunta sa bahay, diretso sila sa kuwarto ni Thelmo at gabi na kung lumabas.
Ayaw ko pong magaya si Thelmo at ang kanyang nobya sa sinapit ni Pia. Kapwa hindi na sila nakatapos ng kanyang asawa dahil nabuntis na siya.
Minsan sinabihan ko si Thelmo na huwag padadala sa simboyo ng kabataan, tinawanan lang niya ako at sinabing masyado akong “old school” at may malisyosang pag-iisip. Kaya bumaling ako kay Pia para pagsabihan ang kanyang anak.
Sinabi naman nitong marunong magkontrol sa sarili ang aking apo at gumagawa lang daw ng thesis ang dalawang bata.
Talaga po bang “old school” ako dahil hindi ko matanggap na babae ang umaakyat sa bahay ng lalaki? Mayaman ang pamilya ng nobya ni Thelmo at kung magkagipitan man, hindi ko gustong isipin ng partido niya na pera lang ang habol ng apo ko.
Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.
Gumagalang,
Lola Pining
Dear Lola Pining,
Sa modernong ekspresyon ng mga kabataan ngayon, maituturin ngang “old school” ang paniniwala ng mga nasa edad mo. Dahil sadyang iba ang kinaugalian noong panahon mo, sa mga ikinikilos ng maraming kabataan ngayon.
Pero hindi ibig sabihin na mali ito. Kaya huwag kang malungkot, sa halip ay lalo kang maghanap ng paraan para mapaunawa sa iyong apo ang kalooban mo bilang nagmamalasakit na lola. Mabuti nang maagap kaysa magsisi ng malaki sa huli.
DR. LOVE