Dating hostess ang ina

Dear Dr. Love,

Bumabati ako sa iyo ng mabiyayang araw. Sana ay nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap ng sulat ko. Tawagin mo na lamang akong Chona, 20-anyos at single. Naguguluhan ako sa problema ko kaya sumulat ako sa iyo.

Aaminin ko na ako’y anak sa pagkakasala ng aking ina sa isang Amerikano. Ni hindi ko kilala kung sino siya. Ang sabi lang ng mother ko sa akin, isang American servicemen na naka-one night stand niya. Kasi po, nakakahiya mang sabihin ay isang dating hostess ang nanay ko sa Olongapo.

Mahal ko si Inay kahit may madilim na kahapon siya. Isinakripisyo niya ang buhay at karangalan para mabuhay ako.

Pero nakapagpundar naman siya ng ne­gos­yo at ‘yun na lang ang inaasikaso niya sa tulong ko. Nakatapos din ako ng secretarial dahil sa pagsisikap niya.

Natatakot akong magka-boyfriend. Mara­ming nanliligaw sa akin at nagugustuhan ko ang isa sa kanila.

Kaso, nangangamba lang akong sagutin siya dahil hindi niya alam ang background ko na ako’y anak sa labas ng isang dayuhan. Baka  layuan niya ako at ako’y masaktan lang.

Ano ang gagawin ko?

Chona

Dear Chona,

Wala kang dapat ikatakot. Wala kang dapat ikahiya sa kalagayan mo. Bagkus dapat mong ipagmalaki ang iyong ina.

Alam ko na walang sino mang babae ang gustong magbenta ng laman. Pero dahil sa pa­ngangailangan ay nagagawa nila ito. Hindi mo kasalanan kung ganyan ang kalagayan ninyo. Nagbagong buhay na siya at may negosyo para maitaguyod ka sa marangal na paraan.

Maging open ka sa suitor mo. Ipagtapat mo ang iyong nakaraan. Kung ako siya, matutuwa pa ako sa katapatan mo.

Dr. Love

Show comments