Sineryoso ang bf sa website
Dear Dr. Love,
Hello po sa paborito kong doktor ng puso. Nais ko pong ibahagi sa inyo ang aking suliranin para mabigyan ninyo ng angkop na payo.
Ako po ay 20 taong gulang. Ikatlo sa limang magkakapatid, payak at maligaya ang aming pamilya. Pero may isang bagay na ipinagtatampo ko sa kanila. Mula kasi nang magka-boyfriend ako sa website ay hindi nila ako siniseryoso.
Sa katunayan ay pinagtatawanan pa ako ng aking kuya. Loner daw kasi ako kaya nakuntento na lang na makipagrelasyon sa website. Isang German po kasi ang boyfriend ko at sampung taon ang tanda niya sa akin.
Sobrang lungkot ko po nitong mga nakaraang buwan. Bukod sa hindi natuloy ang pangakong pagbisita sa akin ni Christian, naghiwalay pa kami nang sapilitan. Hiniling niya ang bagay na ito sa akin. Makaraang makumpirma ang kanyang colon cancer. Sinabi niyang hanggang tatlong buwan na lang ang taning sa kanya para mabuhay.
‘Yun na ang huling pag-uusap namin, Dr. Love at talagang umiyak ako ng todo. Pero nung sabihin ko sa aking pamilya ang dahilan ng matinding kalungkutan ko, hindi nila ako pinaniwalaan.
Bakit daw kung kailan malapit na ang panahong ipinangakong pupuntahan ako ay doon siya nagkasakit ng malubha. Nasasaktan po ako sa pananaw ng pamilya ko, Dr. Love. Gustuhin ko mang mag-move on gaya ng sabi nila, nahihirapan po ako. Parang ayaw ko na tuloy ma-inlove kung mabibigo rin lang naman. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at sana matulungan ninyo ako.
Gumagalang,
Girlie
Dear Girlie,
Marahil dahil nga sineryoso mo nang sobra ang imaginary relationship mo sa isang taong sa website mo lang nakita at nakausap, kaya nahihirapan kang tanggapin ang reyalidad. Pero pinakamabuti na huwag mong pahirapan ang sarili at magmukmok sa taong hindi mo naman talaga kilala ang tunay na pagkatao.
Sa panahon ngayon, kahit sino ay pwedeng bumuo ng imahe sa kahit sino. Maniwala ka sa pamilyang mula’t sapul pa lang ay bahagi na ng buhay mo, dahil totoo at tunay ang pagmamahal nila sa’yo.
DR. LOVE
- Latest