Naaawa na lang sa ex
Dear Dr. Love,
Tumagal nang limang taon ang pagli-live-in namin ni Lorez, pero nauwi rin ito sa hiwalayan dahil ayaw niya ng commitment. Bagay na mahalaga naman para sa akin.
Bigo po ang unang marriage ni Lorez. At malinaw sa akin na nakakaapekto ang karanasan niyang iyon sa naging estado ng aming relasyon. Kahit pa madalas niyang sabihin sa akin na mahal na mahal niya ako, hindi naman niya ako magawang pakasalan dahil ayaw niya ng commitment.
Tutol din po ang mga magulang ko sa relasyon namin. Kaya nagpasya na akong makipaghiwalay sa kanya. Akala ko noon ay hindi ko makakayanan ang sakit, hanggang sa makilala ko si Ding at nakahandang pakasalan ako anumang oras na gustuhin ko.
Mabilis na lumipas ang dalawang taon. Hindi ko akalain na babalik sa’kin si Lorez. Sinabi niyang nagpasailalim siya sa psychological treatment para mapaglabanan ang naranasang trauma sa kanyang pagpapakasal noon. Pero hindi na po gaya ng dati ang nararamdaman ko sa kanya, awa na lang po ang natira.
Ano po ang dapat kong gawin? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Mercy
Dear Mercy,
Para sa akin, wala na kayong dapat pang pag-usapan ni Lorez dahil tapos na ang anumang namagitan sa inyo. Hindi rin naman makakabuti sa kanya kung makikipagmabutihan ka pa sa kanya kahit bilang kaibigan kung dahil lang sa awa.
Kaya ang mapapayo ko, putulin mo ang komunikasyon ninyong dalawa o iwasan siya hangga’t maaari. Para tuluyan nang maglaho ang pag-asa niya na mabalikan ka at makapag-move on na siya.
DR. LOVE
- Latest