Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Sana’y datnan kayo na nasa malusog na kalagayan ng sulat kong ito. Tawagin mo na lang akong Meliz, 24-anyos at single pa.
Nag-break kami ng boyfriend ko two months ago dahil nadiskubre ko na may live-in partner siya at may isang anak. Sabi niya sa akin, hindi naman siya kasal kaya pwede niyang iwan ang kanyang kinakasama anumang oras. Aniya, handa raw niya akong pakasalan.
Pero sa tingin ko ay mali na ituloy ko ang aming relasyon kaya dinispatsa ko na agad. Isa pa, nagsinungaling siya sa akin sa pagsasabing single siya. Para rin siyang may-asawa, hindi nga lang sila kasal.
Ang sabi ko sa kanya, may pananagutan siya sa kinakasama niya dahil sa kanilang anak. Tama po ba ang katuwiran ko sa pakikipag-break?
Para kasing nagsisisi ako at ibig kong bawiin ang mga nasabi ko na sa kanya. Tulungan mo po ako.
Meliz
Dear Meliz,
Tama ang ginawa mo at hindi mo dapat pagsisihan. The fact na may anak siya sa kinakasama niya ay matibay na dahilan para kalasan mo siya. Malaking problema ang kakaharapin mo ‘pag nagkataon kaya, korek ang desisyon mo at tama rin ang rason mo sa pakikipag-break.
Kaya ang payo ko, huwag mo nang baguhin ang pasya mo. Hindi lang siya ang lalaki at marami pang karapat-dapat diyan.
Dr. Love