Dear Dr. Love,
Dating hindi halos pahipan sa hangin ng aking tiyahin ang noo’y sanggol na inampon nila sa kaibigan ng aking close friend. Pero ngayong teenager na si Marie ay nagbago ang trato niya sa kanilang inampon at ang dahilan ay selos.
Baog po ang kapatid ng aking tatay na si Tiya Helen, kaya iminungkahi ko sa kanila ni Tiyo Jun na mag-ampon na lang para maranasan nila ang maging magulang. Kaibigan ng isang close friend ko ang kausap nila. Berbal lang po ang kasunduan. Dahil ayaw ni Tiyo Jun na may makitang kasulatan ang bata paglaki nito at siyang magtulak kay Marie na hanapin ang tunay na mga magulang.
Kaya nang mailuwal ni Minda ang kanyang sanggol, ipinangalan na ito sa aking tiyahan para palabasin na siya talaga ang ina. Nasa Amerika na po ang tunay na ina.
Pero gaano man itago ang lihim ay sadya yatang malalantad din ito. Ang sobrang higpit na nararanasan ni Marie sa kinikilalang ina ang naging dahilan para maisip niyang hindi siya tunay na anak. Alam ko po ang lahat dahil sa akin nag-o-open ang aking inaanak.
Nalaman ko naman mula kay Tiyo Jun, na nagmamaktol ang aking tiyahin at ibinubunton sa bata dahil nagseselos ito. Bawas na raw kasi ang sweldo ng aking tiyo dahil iniipon para kay Marie.
Dumating sa punto na hindi na kontrolado ang kinikimkim na hinanakit at mismong sa bibig ng tiyahin ko lumabas na ampon lang si Marie. Dr. Love, makailang beses ko itong itinanggi sa bata.
Ngayon po narinig niya mismo sa kinikilala niyang ina, dapat ko na bang sabihin ang totoo? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Vine
Dear Vine,
Posibleng magdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng iyong inaanak ang rebelasyon tungkol sa kanyang pagkatao. Kaya hayaan mong panghawakan ng kinikilala niyang mga magulang ang sitwasyon. Tutal ang may problema sa kanya ay ang iyong tiyahin, tulungan mo siyang lumapit sa iyong tiyuhin at hayaan silang magkausap.
Kung ang pagtatapat ang nakikitang solusyon ng tiyuhin mo, hayaan mong sa kanya ito manggaling. Sa ganong paraan ay hindi ka masisisi. Dalangin ko lang na huwag kang manghinawa sa pag-alalay sa iyong inaanak, na sa palagay ko ay mas malapit sa’yo kaysa sa mga kinalakihan niyang mga magulang.
DR. LOVE