‘Pabebe’ si Mister

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo at ipinaaabot ko ang walang sawang pagtangkilik sa makabuluhan ninyong column.

Dahil paborito kong basahin ang column ninyo, hindi na ako nagdalawang-loob na isangguni sa inyo ang aking problema. Hindi ko po kasi alam kung bakit parang ang pagdadalantao ko ay nagdudulot ng pagbabago sa damdamin para sa akin ng asawa ko.

Pareho naman kaming excited nang malamang positive ako. Pero ngayon na nagmo-morning sickness ako, hindi supportive ang asawa ko. Ang kakatuwa pa nga ay siya ang naghahanap ng pag-aasikaso ko. Wala na raw akong panahon para sa kanya dahil puro para sa baby ang pinagtutuunan ko. Namili po kasi ako ng mga gamit at ipinaayos ang nursery room.

Dr. Love, dapat ako ang maghahanap ng pag-aaruga niya dahil ang pagbabago ay nangyayari sa katawan ko.

Pareho po kaming nagtatrabaho ng aking asawa, kaya nangangamba ako na kapag lumabas na si baby ay hindi ko magampanan nang sabay ang obligasyon ko sa kanya at sa aming anak.

Tanda po ba ito ng insecurity at pagseselos? Paano ko ba maipapaunawa sa aking asawa na magkatuwang dapat kami sa paghahanda sa pagdating ng aming baby?

Maraming salamat po at hihintayin ko ang inyong mahalagang payo.

Gumagalang,

Erlinda

Dear Erlinda,

Mukhang hindi nauunawaan ng iyong asawa ang iyong sitwasyon dahil siya pa ang pabebe. Subukan mong kausapin siya ng masinsinan o kaya’y isama mo siya sa inyong prenatal check up at hingin ang tulong ng doktor para maipaliwanag sa kanya kung ano ang mahalagang bahagi niya sa pag-aalaga sa inyong mag-ina hanggang makapanganak ka.

Kung hindi umubra, huwag kang magdala­wang-loob na hingin ang tulong ng iyong pamilya para maalalayan ka sa maselan mong kalagayan.

DR. LOVE

Show comments