Ipinagpalit sa bading

Dear Dr. Love,

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na ang kaagaw sa kaligayahan naming mag-iina ay isang bading.

Lahat naman ay ginagawa ko para ma-please ang asawa kong si Johnny. Pero hindi ko po alam kung ano pa ang kulang sa akin at nagawa niya akong iwan at ang nasa grade school pa lang naming mga anak.

Taxi driver ang aking asawa. Masipag at maalalahanin sana siya, ang naging problema lang ay natuto siyang magsugal. Una lotto lang, tapos nadagdagan ito ng jueteng hanggang nalulon na siya sa slot machine sa casino.

Sa pagkakaalam ko, doon niya nakilala si Denver, alyas Dianne. Nagsasama na po sila ngayon pero nagpapadala pa rin ng sustento para sa aming mga anak si Johnny.

Dahil hindi ko po maatim na mistulang hosto ang asawa ko sa kanlungan ng ba­ding, nagsikap akong magpundar ng sariling mapagkakakitaan. Nagtayo ako ng maliit na grocery at ito ang pinagkukunan namin ng ikabubuhay ngayon.

Minsang nagkausap kami ng masinsinan ni Johnny. Ang sabi niya mahal naman daw niya kaming mag-iina. Kaya lang hindi niya pa magawang iwanan ang badiday niya. Dahil baka raw mag-suicide. Darating aniya ang panahon na matututunan niya rin daw bumalik sa amin.

Tama po ba ito, Dr. Love? Payuhan mo po ako. Maraming salamat po at hihintay ko ang inyong payo.

Gumagalang,

Mrs. Frustrated

Dear Mrs. Frustrated,

Kailan man, hindi naging tama ang pakikiapid. Pero tanging ikaw lamang ang makakapagdesisyon kung nakahanda kang hintayin ang sinasabing panahon kung kailan matututunan ng iyong asawa na bumalik sa inyong piling.

Kung pagtutuunan mo ang kapakanan ng mga anak mo, nakakatiyak akong magagawa mo ‘yun para mapanatiling buo ang pamilya ninyo.

Alam mo, kahit gusto nating mabago ang sitwasyon kahit ngayon na…tanging nasa kalooban lamang ng Diyos ang lahat ng bagay sa mundo. Kaya lagi mong ipagdasal ang asawa mo. Para sa lalong madaling panahon ay mabago ang puso niya at bumalik na kung saan siya nararapat.

DR. LOVE       

Show comments