Dear Dr. Love,
Pangarap ko po talaga ang makapangasawa ng mas matanda sa akin. Dahil naniniwala ako na mas magandang kasama ang may marami nang alam sa buhay. Kaya nagpakasal ako sa isang 40-anyos na balikbayan at diborsiyado sa asawa pero walang anak.
Ako po ay 32-anyos lang nun. Aminado po ako na bahagi ng pakikipag-isang-dibdib ko kay Leo ay ang kasunduan ng kani-kaniya naming pamilya. Pero niligawan pa rin naman niya ako at nakaramdam din ako ng excitement, lalo na nang sabihin niyang nakahanda niya akong paligayahin.
Nangyari ang marangyang kasalan at sa sandali ng aming honeymoon, ang inaakala kong matinding pagtatagpo naming mag-asawa nang gabing iyon ay naging kabiguan. Dahil hindi man lang napansin ang sexy na suot ko at magkatalikuran kaming natulog.
Sinabi ko sa sarili ko na baka pagod lang at babawi bukas. Pero limang buwan na ang nakakalipas mula nang ikasal kami, nganga pa rin ako. Ano po ba ang dapat kong gawin para maakit sa akin ang aking asawa?
Ang payo ng mga kaibigan ko, ako na raw ang gumawa ng hakbang. Pero hindi ko po kaya ‘yun, baka hindi ko kayanin kung mapahiya ako sa aking asawa. Pagpayuhan po ninyo ako. Pangarap ko rin magkaroon ng kahit isang anak.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Lucy
Dear Lucy,
Kadalasan, ‘yan ang nagiging problema kapag ang napangasawa ay hindi tahasang nakikilala. Sa palagay ko, masyadong mabilis ang lahat sa inyo ni Leo.
Pero hindi pa naman huli ang lahat, marami naman na nagsisimula ang pagkaka-debelopan sa sandaling makasal. Kaya maging matiyaga ka at maunawain sa iyong asawa. Sikapin mo rin na laging lambingin ang iyong mister o kaya’y kausapin siya nang madalas, para malaman mo kung may bumabagabag sa kanya. Maaari n’yong ikonsidera ang marriage counseling para matulungan kayong mai-workout ang inyong pagsasama.
DR. LOVE