Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati sa iyo. Hindi mo naitatanong, isa lang ako sa libu-libong tagasubaybay ng malaganap mong column sa number one dyaryong Pilipino Star NGAYON.
Tawagin mo na lang akong Rizalina, 27 anyos at single pa rin. Ikakasal na sana ako noong taong 2012 pero hindi natuloy. Napikot ng ibang babae ang boyfriend ko.
Masamang-masama ang loob ko at sumumpang hindi na makikipagrelasyon kahit kanino.
Lahat ng manliligaw ko ay dinidispatsa ko agad. Tingin ko sa mga lalaki ay pare-pareho lang.
Hanggang sa dumating sa buhay ko si Armand. Hindi siya agad nanligaw kundi nakipagkaibigan lang sa akin. Nung una ay ilag ako pero habang nagtatagal, napapalapit ang kalooban ko sa kanya.
Wala nang nangyaring ligawan kundi parang na-develop kami sa isa’t isa. Maginoo siya. Walang namagitang hindi maganda sa amin dahil gusto raw niyang ireserba ‘yun sa gabi ng aming kasal.
Sa palagay mo Dr. Love, siya na ba si Mr. Right?
Rizalina
Dear Rizalina,
Walang ibang makasasagot niyan kundi ikaw lang. Kung totoong maginoo siya sa paningin mo, baka nga siya na ang angkop na lalaki para sa iyo. Isang lalaking handa kang pakasalan.
Mabuti naman at hindi mo tuluyang ikinandado ang puso mo sa tawag ng pag-ibig. Hindi lahat ng lalaki ay salawahan at may karapatan kang hanapin ang iyong kaligayahan.
Dr. Love