Huwag mag-apura

Dear Dr. Love

Sana ay itago n’yo na lang ako lang ako sa alyas na Rosaley, 19-anyos na po ako at gradua­ting next year sa awa ng Panginoon, sa kursong accountancy.

Heto po ang problema ko. Nagmamahal ako sa isang lalaki. Itago mo na lang sa pa­ngalang, Benjo. Nag-aaral siya sa kabilang kolehiyo na malapit sa pinapasukan ko at gaya ko ay matatapos na rin sa darating na taon sa kursong engineering.

Nagkakilala kami ni Benjo sa Facebook. Madalas ay nagtsa-chat kami o kaya ay  nagte-text. To cut the long story short, nagkaroon kami ng relasyon.

Nang malaman ng matanda niyang kapatid ang aming relasyon nagalit ito sa kanya. Ayaw niya makipagrelasyon ang kanyang kapatid habang nag-aaral. Ito kasi ang tumutustos sa pag-aaral ni Benjo.

Dahil dito madalang na siyang makipag-ugnayan sa akin. Naguluhan ako nang mag-text siya uli sa akin na tila may gustong sabihin pero hindi masabi-sabi.

Nahiwatigan ko na gusto na niyang tapusin ang aming relasyon at maging magkaibigan na lang kami. Kahit mabigat sa loob ko, pumayag ako.

Mahal na mahal ko siya dahil iba siya sa lahat ng naging kasintahan ko noon.

May pag-asa po bang magkabalikan kami kapag nakatapos na?

Rosaley

Dear Rosaley,

Hindi mo masisisi ang kapatid niya na pagbawalan muna siyang makipagrelasyon. Siya ang tumutustos sa pag-aaral ng boyfriend mo at gusto muna niya itong makatapos ng pag-aaral.

Okey din ang suhestyon ni Benjo na good friends muna kayo. Ibig sabihin hindi ka niya tuluyang inaabandona at may pag-asa pa na pagdating ng tamang panahon ay kayo rin ang magkatuluyan.

Tutal maigsing panahon lang ang hinihintay ninyo kaya huwag kayong mag-apura. Kinabukasan naman ninyo ang nakataya riyan.

Kung pareho kayong mataas ang pinag-aralan, maganda ang naghihintay sa inyong kinabukasan.

Dr. Love

Show comments