Dear Dr. Love,
Walang araw na hindi namin hinahangad na mag-asawa na mapabuti ang aming kaisa-isang anak na si Sofia. At dahil nasa edad na siya ay halos ipagtulakan ko siyang mag-asawa na para magkaroon kami ng maraming apo.
Hindi lingid sa aking anak na ako ang nag-uudyok kay Eric, anak ng kaibigan ko para ligawan siya. Dahil sa obserbasyon ko ay every inch perfect husband material si Eric, kaya mabibigyan niya ng magandang kinabukasan ang anak ko.
Naging sila nga, Dr. Love. Pero hindi pa halos nagtatagal ay nawindang ako nang malamang break na sila ng aking anak. Sinikap kong alamin ang dahilan pero hindi nagsasalita si Sofia. Kaya napilitan akong kausapin si Eric nang hindi alam ng aking anak.
Noong una ay wala rin akong napala kay Eric. Pero siguro nakulitan na rin siya sa akin. May inilabas siyang cellphone at ipinakita sa akin ang mga larawan dito. Natutula ako at hindi makapaniwala sa nakita ko, Dr. Love. Si Sofia ay may kahalikan na kapwa niya babae. Tibo pala ang anak ko.
Ang sabi ni Eric, mahal niya ang aking anak, pero hindi ito masaya sa kanya. Kaya pala laging tumatanggi si Sofia kapag niyayaya niyang mag-date, maliban na lang kung kasama ang mga kabarkada niya na pawang tibo rin.
Hindi na po ako nagpatumpik-tumpik pa at ipinagtapat ko sa aking mister ang natuklasang sikreto ng aming anak. Halos hindi rin siya makapagsalita. Pero sinabi niyang baka magbago pa si Sofia.
Ano ang dapat naming gawin, Dr. Love? Payuhan mo po ako, hindi na po ako mapagkatulog sa natuklasan kong ito.
Thank you very much and God bless you.
Gumagalang,
Mrs. Roque
Dear Mrs. Roque,
Tama ang sinabi ng mister mo, may pag-asa pang magbago ang inyong anak. Marami na ang nagpatotoo na nagkaroon ng gender preferences pero nang makakilala sa Diyos ay unti-unting nagbago. Tulungan ninyong makarinig ng Salita ng Diyos ang inyong anak, dahil mabisang paraan ito para magkaroon siya ng pang-unawa tungkol sa mga bagay na ikabubuti o ikasasama niya. Lagi n’yo rin siyang ipanalangin.
DR. LOVE