Pinilit lang
Dear Dr. Love,
Sana ay nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat ko. Nakakahiya man ay dumulog ako sa iyo para hingan ka ng payo sa taglay kong problema, Dr. Love.
Kung pupuwede ay ikubli mo na lang ako sa isang alyas na Dahlia, 38 taong gulang at may asawa. Nagpakasal ako sa asawa ko dahil ako ay pinilit lang ng mga magulang ko. Malaki ang pagkakautang nila sa taong pinakasalan ko kaya kahit labinlimang taon ang agwat namin at halos tatay ko na siya ay napilitan akong magpakasal.
Bago siya ay may boyfriend ako. Naglasing nga siya nang ako ay mag-asawa sa iba. Pero bago ang kasal ay nag-usap kami at naunawaan niya ang problema ko. Matagal din kaming di nagkaugnay pero nagulat ako nang makatanggap ako ng text message mula sa kanya. Sabi niya ay magkita kami sa isang lugar. Hindi ko siya sinagot pero matapos ang isang araw lang ay nag-text uli siya.
Natutukso akong makipagkita sa kanya. Ano ang gagawin ko?
Dahlia
Dear Dahlia,
Mahal mo man ang boyfriend mo at hindi mo mahal ang iyong asawa ay hindi ka dapat maging taksil.
Kung inaakala mong ikaw ay pinilit lamang at wala ka ni katiting na pag-ibig sa asawa mo, daanin mo muna sa legal na paraan tulad ng annulment. Hangga’t maaari ay hindi ko ito inirerekomenda ngunit kung sadyang may pamimilit sa kasal, naniniwala akong ito ay walang bisa.
Dr. Love
- Latest