Dear Dr. Love,
Ako po ay 25-anyos na, pero ang turin sa akin ng mommy ko ay gaya ng isang paslit. Napakahigpit po niya sa akin, na parang gusto na niyang kontrolin ang buhay ko.
Gusto ko po unawain ang mommy ko dahil, maaaring dulot ito ng malaking disappointment niya sa nangyari sa ate ko. Hindi po nakatapos ng pag-aaral si ate dahil maagang nag-asawa. Pero dahil sa kawalan ng sapat nakakayahan sa pagpapamilya ay nauwi ito sa paghihiwalay.
Pero may time na nasasakal po ako sa kahigpitan ni mommy. Lagi ko tuloy naiisip ang yumao kong daddy. Sa palagay ko, hindi sosobra ang higpit ng mommy ko kung buhay ang daddy ko.
Ano po ba ang dapat kong gawin para kahit paano ay mabawasan ang kahigpitan ng aking mommy sa personal kong buhay. Nasa edad naman po ako para pangalagaan ng mabuti ang aking sarili at hindi ko naman siya binabalewala, madalas po kasi nahihirapan na ako sa mga kondisyon ni mommy. Pagpayuhan po ninyo ako.
Merlinda
Dear Merlinda,
Malamang nga na ang nangyaring disappointment ng iyong ina sa iyong ate ang pangunahing dahilan kung kaya ka niya hinihigpitan. Para sa akin normal na maging protective ang mga magulang sa kanilang mga anak, lalo pa’t babae ka at dumanas na ng mapait na karanasan ang nakakatanda mong kapatid.
Kung nasaktan ang ate mo sa nangyari sa buhay niya, doble o maaaring triple pa nga ang pasakit nito sa damdamin ng isang ina. Kaya sana ay huwag mong masamain o tingnan na kontrabida sa buhay mo ang effort ng iyong mommy.
Maaaring may pagkakataon na sumusobra, pero sana ay sikapin mo na maiparating ito sa kanya nang hindi sasama ang loob niya. Daanin mo sa paglalambing o kaya’y paglaanan mo ng panahon na makasama ang mommy mo sa lakad ninyo ng iyong boyfriend para mas makilala niya ito, nang sa gayon ay mabawasan ang anumang pangamba niya sa pakikipagrelasyon mo sa kanya.
DR. LOVE