Dear Dr. Love,
Ako po ay 60 taong gulang at ang misis ko naman ay bata sa akin ng limang taon. Sa buong panahon ng aming pagsasama bilang mag-asawa sa nakalipas na 30 taon, maligaya kaming kapiling ang aming tatlong anak.
Ang fullfilment ko po sa buhay may asawa ay hindi ko akalaing mababahiran ng pag-aalinlangan sa katapatan ng aking misis. Ito ay makaraang hindi inaasahang matuklasan ang love letter na nakaipit sa isang libro. Nalaglag ito nang hindi sinasadya kaya binasa ko. Isang nagngangalang Joel ang nakikiusap na muling makipagbalikan kay Myrna.
Sa petsa ng sulat, nakalkula ko na panahon na iyon ng pagkabuo ng aming relasyon. All the while, ang akala ko ay wala akong ibang kaagaw sa puso ni Myrna. Kaya sumasama ang loob ko dahil nagsinungaling pala siya sa akin.
Sapat ho ba ang estado ng kalooban ko ngayon para ungkatin pa ang nakaraan ng aking misis? Apat po ang aming anak at malapit nang magka-apo. Hindi kaya magmukha akong katawa-tawa?
Sa maraming taon ng pagsasama naming mag-asawa, wala naman akong nakitang anumang bahid ng kataksilan sa aking misis. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin?
Gumagalang,
Mang Domeng
Dear Mang Domeng,
Wala ka namang dapat problemahin. Dahil hindi naman mahalaga ang nakalipas na. Ang importante ay simula nang i-commit ng iyong asawa ang kanyang sarili sa’yo bilang habang buhay mong ka-partner ay nanatili siyang tapat.
Naniniwala ako na kaya hindi na pinag-aksayahan pang sabihin sa’yo ng iyong misis ang tungkol sa nangungulit niyang ex ay dahil hindi niya nakikita ang importansiya nito. Dahil nakakatiyak na siyang ikaw ang gusto niyang makapiling at makasama sa pagbuo ng pamilya.
Bagay na pareho ninyong kaligayahan sa kasalukuyan. Tandaan mo na hindi lahat ng nakaraan ay dapat balikan, lalo na kung ito ay magdudulot lang o makakapagpanariwa ng negatibong emosyon.
DR. LOVE