Insecure sa mga anak ng lover

Dear Dr. Love,

Tatlong taon na po akong may relasyon sa isang lalaki na hiwalay sa asawa at may dalawang anak na babae.

On the process na po ang kanilang annulment ng kasal para maging legal ang aming pagsasama. Wala na sanang hadlang ang aming relasyon ni Manuel. Maganda ang samahan namin, maging ang pakikitungo sa akin ng dalawa niyang anak.

Ang akala ko ay tuluy-tuloy na ang magandang samahang ito hanggang nagkamali akong itanong sa dalawang bata kung umaakyat ang daddy nila sa bahay ng kanyang mommy kung inihahatid sila mula sa bahay tuwing Linggo ng hapon.

Malimit daw lalo na’t nagluluto ang kanilang mommy ng paborito ng daddy nila na Callos. At pi­nuri na nila nang husto ang kanilang ina, na mabait, masipag at maganda pa raw.

Mula noon tuwing nagkikita kami nina Celia, 14 years old at Dinah, 16 years old, ipinamumukha ko sa kanila ang kapintasan ng kanilang ina na sinabi sa akin ng kanilang daddy, na dahilan kung bakit sila nagkahiwalay.

Pero pinagmulan ito ng sagutan namin ni Manuel. Dahil nagsusumbong pala sa kanya ang mga bata. Sinabi ni Manny na huwag kong hayaang humantong na kailangan niyang mamili. Dahil hindi niya kayang mawalay sa kanyang mga anak. Kaya itigil ko raw ang kaseselos.

Nasaktan po ako dahil mas matimbang pala ang mga anak niya kaysa sa akin. May karapatan ba akong ma-insecure? Payuhan mo po ako. 

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng inyong column.

Gumagalang,

Alma

Dear Alma,

Komplikado ang pinasok mong pakikipagrelasyon dahil may bahagi sa nakaraan ng iyong partner na hindi na maihihiwalay sa inyong pagsasama. Kaya anuman ang consequences ay dapat mong i-overcome para mapanatili ang inyong samahan.

Pero kung hindi mo makakaya, huwag mong i-torture ang sarili mo. Kung pwede ka naman ma­ging una at pinakamamahal ng isang lalaki, bakit mo pipiliin na maging second wife?

DR. LOVE                                                          

Show comments