Dead na dead sa D.O.M.

Dear Dr. Love,

Ipinasok sa aming opisina bilang administrative aide ang nakakabata kong kapatid, kalakip ang paalala na paghusayin niya ang kanyang trabaho at umiwas sa mga DOM o dirty old man na nagkalat sa aming working place.

Pero lingid sa kaalaman ko ay karelasyon na­pala niya ang kanyang immediate supervisor na si Ding, asawa ng kaibigan ko sa personnel division.

Dumating na po sa punto na nagkaroon ng komprontasyon ang tatlo kung saan sinasabing nagkasundo na sila na patawarin ang isa’t isa at magsimula bilang magkaibigan.

Akala ko ay happy ending na, pero nagkamali ako dahil patuloy ang illicit affair ng aking kapatid at ni Ding. Sinabi ni Mercy na pinangakuan siya ng kanyang boss na hihiwalayan ang asawa nito para sila na ang tuluyang magsama at ikamamatay daw niya kung magkakalayo sila.

Ako po ang naiipit sa sitwasyon. Dapat ko pang sabihin sa aking kaibigan na hindi nangyari ang kasunduan? Sa palagay n’yo po ba ay may pananagutang moral ako kung magbubulag-bulagan? Ano po ang tamang gawin? Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat sa mga tulong mo noon at ngayon.

Gumagalang,

Zeny

Dear Zeny,

Sa palagay ko ay nasa hustong gulang na ang iyong kapatid para sa sarili niya ay malaman ang mali sa tama. Isa pa, bilang kapatid ay nagawa mo na ang iyong parte na paalalahanan siya. Anuman ang piliin niyang desisyon at ang ma­ging resulta nito, naniniwala ako na wala ka nang pananagutan.

Hindi mo rin obligasyon na ipaalam sa iyong kaibigan ang tungkol sa patuloy na pakikipagrelasyon ng kanyang asawa sa iyong kapatid. Sa tingin ko, mas kilala niya ang kanyang asawa kaysa sa pagkakakilala rito ng iba.

Ang tanging maipapayo ko sa’yo ay isama lagi sa panalangin ang iyong kapatid. Dahil wala naman tayong kakayahan na baguhin ang puso natin, tanging ang Diyos lang ang makakagawa nito.

DR. LOVE

Show comments