Dear Dr. Love,
Dalawang taon pa lang ang nakakalipas mula nang magpakasal ako. Masaya ang bawat sandali namin ni Miguel at may dalawang anak na kami. Pero nangangamba po ako dahil nagkakaroon ako ng atraksiyon sa ibang lalaki.
Minsan ko lang nakita ang lalaking tinutukoy ko, nang dumalo ako ng seminar. Hindi ko naman siya napapansin, pero nagpapansin siya sa akin. Hindi ko naman siya iniisip noong una. Pero ngayon ay nagpapabalik-balik siya sa isip ko.
Ayaw ko po ng ganito. Pero kada maiisip ko ang anumang may kaugnayan sa seminar na ‘yun ay kasama siya sa naaalala ko. Nababahala po ako dahil baka hindi ko mamalayan ay nakapagpapahiwatig na ako sa aking asawa na may ibang lalaki na gumugulo sa isip ko.
Ni- sa hinagap ay hindi ko po gustong pagtaksilan ang aking asawa, lalong ayaw kong masira ang masaya naming pamilya. Pero bakit po ganon, hindi pa rin mawala sa isip ko ang lalaking ‘yun.
Pangkaraniwan lang po ba ang ganitong sitwasyon o kailangan ko nang kumunsulta sa doktor? Tulungan po ninyo ako, Dr. Love.
Maraming salamat in advance. More power!
Aurora
Dear Aurora,
Huwag mong masyadong bigyan ng alalahanin ang isip mo. Maaaring simpleng paghanga lang ang nararanasan mo. Hindi ito mali, maliban lang kung gagawa ka ng hakbang para mag-response sa pagpapapansin sa’yo ng tinutukoy mong lalaki.
Pero habang malinaw sa’yo ang kahalagahan ng katapatan sa pagsasama ninyo ng iyong mister, maging ang importansiya ng inyong pamilya, natitiyak ko na malayong mangyari ang pinangangambahan mo na magtaksil sa iyong asawa.
Makakabuti rin kung huwag ka na muna bumalik sa seminar, para makaiwas sa temptation.
Lagi mo rin hingin ang gabay ng Dios para palakasin at patnubayan ka sa lahat ng pagkakataon.
Dr. Love