Dear Dr. Love,
Hindi ko po alam ang kabataan ngayon. Tila wala nang respeto sa matatanda na gaya ko. Pinagtatawanan na lamang ang payo ko sa kanila.
Mnsan po akong nagsadya ng bahay ng aking apo, para madalaw ang unang apo ko sa tuhod. Dinatnan ko ang sanggol na natutulog, walang kumot, bukas lahat ng bintana at nakatutok pa ang bintilador. Kaya kinumutan ko ang sanggol. Pero pinigilan ako ni Marinela, asawa ng apo kong si Deo. Naiinitan raw ang bata.
Pinayuhan ko siya na hindi dapat nakabuyangyang ang sanggol para hindi kabagin at mamerwisyo sa gabi. Pero pinagtawanan lang niya ang payo ko at sinabing moderno na ang panahon at hindi na binabalot ng husto ang mga sanggol.
Sa pagkayamot ko ay umalis ako nang walang sabi-sabi. Nakasalubong ang aking anak, na nagtaka kung bakit ako umalis agad. Sinabi ko ang engkwentro namin ng kanyang manugang. Lalo pa akong nagdamdam dahil kinampihan ng aking anak ang kanyang manugang.
Simula noon ay hindi ko na dinalaw pa ang apo ko sa tuhod. Ang payo ko ay subok na sa maraming henerasyon. Pero binaliwala nila. Tunay ba na ang 80-anyos na lolang gaya ko ay hindi na binibigyang konsiderasyon ang mga payo, Dr. Love?
Maraming salamat po at sana, maunawaan ninyo ang naging damdamin ko.
Gumagalang,
Lola Dianang
Dear Lola Dianang,
Sa palagay ko, hindi naman sa ipinagwawalang-bahala ang payo mo. Nagkataon lang na iba ang paniniwalang mayroon ang asawa ng iyong apo, sa pangangalaga ng kanyang anak.
Nagawa mo na ang parte mo, bilang lola. Nasa kanila na kung makikinig sila o hindi. Ang mga kabataan ngayon, madalas kailangang maranasan ang hirap bago makinig at matuto.
Ipaubaya mo na sa kanila ang pagiging magulang, dahil ang mga mararanasan nila ang magtuturo sa kanila kung ano ang mas mabuting gawin para sa kanilang anak.
Ang gawin mo ay mag-relax at gawing maligaya ang natitira mo pang panahon sa mundo. Sayang ang buhay kung mapupuno lang ng galit ang iyong puso.
DR. LOVE