Ayaw na ni Misis

Dear Dr. Love,

Harinawa ay datnan kayo ng liham kong ito na walang karamdaman. Isang taon pa lang akong bumabasa ng Pilipino Star Ngayon.

Matagal po kasi akong nanirahan sa Canada. Mga sampung taon pero nagbalik ako sa Pilipinas noong 2012 dahil sa sobrang lamig na hindi kaya ng aking katawan.

Tawagin mo na lang akong Mauro, 57-anyos, Iniwan ko ang misis ko na 40-anyos sa Canada dahil ayaw niyang sumama pabalik ng Pilipinas.

Nabalitaan kong may boyfriend na siya roon. Sinulatan ako at sinabi niyang lumagda na lang ako sa aming divorce paper para pareho kaming maka-move-on.

Doon din kami sa Canada ikinasal. Wala naman kaming anak pero mahal ko siya. Ano ang gagawin ko sa sinasabi niyang mag-divorce na kami?

Mauro

Dear Mauro,

Tatlong taon mo siyang iniwanan tapos sa­sabihin mong mahal mo siya? Palagay ko, mahigit pa sa lamig sa naturang bansa ang dahilan kung bakit kayo nagkalayo. Hindi ko na uusisain ito.

Hindi rin ako pabor sa diborsyo pero kung iyan ang gusto ng asawa mo, puwede ka bang tumanggi? Marahil, kaysa magkahiwalay kayo nang napakatagal ay tanggapin mo na lang ang katotohanang ayaw na sa iyo ng asawa mo.

Dr. Love

Show comments