May iba nang ‘kabit’

Dear Dr. Love,

Kung hindi pa sa pagmamalasakit ng aking amo ay hindi malalantad sa akin ang katotohanan sa pagsasama namin ni Dencio. Dahil may bago na siyang ‘kabit’.

Nagtatrabaho po sa isang poultry sa Batangas si Dencio at buwanan ang uwi niya. Pero nitong huli, binagyo at natanggalan na kami ng bubong ay hindi man lang siya makauwi kahit ilang araw.

Ang dating pinagkakasya naming mag-iina na 3,000 padala niya ay naging 1,500 na lamang. Kaya napilitan akong maghanap ng mapapasukan. Pinalad naman, malaking tulong ang 4,000 sinusweldo ko bilang kasambahay.

Minsang nakapag-open ako sa aking amo tungkol sa aking buhay, pinayuhan niya akong bakit hindi ko alamin ang kalagayan ni Dencio. Hindi naman aniya, kalayuan ang Batangas mula sa Quezon City kung saan kami nakatira.

Sa kabutihan ng aking amo ay binigyan pa niya ako ng pamasahe papunta at pauwi. Doon na nalantad sa akin na may iba nang ibinabahay si Dencio. Matapang po akong babae, pero hindi na ako nakapalag nang makitang buntis ang 17-anyos na bagong kinakasama ni Dencio.

Ang pakiramdam, ko ay kinakarma na ako, dahil alam kong may asawa si Dencio pero pinatulan ko pa rin siya. Wala naman din akong habol dahil maging ako ay ‘kabit’ din niya.

Kaya ang nasabi ko na lang ay huwag na niya akong alalahanin kundi ang aming high school at 2-taong anak na lang. Pagpayuhan po ninyo ako at sana kinapulutan ng aral ng napakaraming ninyong mambabasa ang aking sulat.

Gumagalang,

Marina

Dear Marina,

Hindi mo na mababago ang katotohanan, kaya harapin mo na lang ito at magpatuloy sa buhay. Si Dencio ay bahagi lamang ng iyong buhay, may dalawang anak ka pa na mapag-uukulan ng pansin. Ibuhos mo sa kanila ang iyong lakas, dahil sa tamang panahon ang itinanim mo sa kanila ay aanihin mo rin.

Salamat sa pagtitiwala mo sa ating column at higit ka sanang magpakatatag.

DR. LOVE

Show comments