Dear Dr. Love,
Marahil, sasabihin mong kabaliwan ang nararamdaman ko. Pero ako ay umiibig sa aking bayaw. Oo, sa asawa ng aking ate.
Tawagin mo na lang akong Mildred, 20-anyos at college student. Nanliligaw pa lang kay ate ang bayaw ko ay nagka-crush na ako sa kanya. Una’y akala ko ay mapapawi rin ito pero hindi.
Naikasal sila noong nakaraang December at isa ako sa mga abay. Bumukod sila ng tahanan na nabili ng kanyang asawa. Masipag kasi si bayaw at magkasintahan pa lang sila ay nagpundar na siya para sa kanilang kinabukasan. Lalo akong humanga sa kanya.
Sa tuwing dumadalaw sila sa amin ay umiiwas ako. Hindi sa nagpapakita ako ng pagkasuplada kundi nais ko lang umiwas na magkalapit kami ni bayaw.
Nahalata ito ni bayaw at tinatanong si ate kung galit ba ako sa kanya. Kinausap ko si ate. Sabi ko ay hindi. Talagang ganoon lang ako.
Tama ba ang ginagawa ko?
Mildred
Dear Mildred,
Ang pagsupil sa nadarama mo para sa bayaw mo ay tama lang at hinahangaan kita diyan.
Pero hindi mo naman kailangang maging sobrang suplada. Makipaghuntahan ka sa kanilang mag-asawa kapag naroroon sila.
Ang iiwasan mo lang siguro ay yaong kayo’y mapag-isa. Pero sikapin mong iwaksi sa isipan mo ang pagkakagusto mo sa iyong bayaw dahil kabiyak siya ng iyong kapatid na nakatatanda.
Dr. Love