Dear Dr. Love,
Sa susunod na buwan na po ang kasal ko, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin malaman kung ano ang dapat kong gawin para mapagbago ang isip ni tatay. Wala kasi siyang balak siputin ang kasal ko.
Sa simula pa lang ng relasyon namin ni Mars, malinaw na hindi pabor si tatay. Hindi po niya gusto si Mars dahil vocational lang ang natapos nito, samantalang ako raw ay may doctorate degree.
Pero sinunod ko po ang damdamin ko para sa boyfriend ko, Dr. Love. Bukod sa nasa edad na ako para magdesisyon, buhay ko at sariling kaligayahan ang nakataya.
Alam ko po na gusto lang maniguro ni tatay na mapapabuti ako. Pero sana lang ay bigyan din niya ng pagkakataon si Mars. Kinilala ko po talaga siya, kaya alam ko na mabuti siyang tao, masipag, masikap at binata. Kahit vocational lang ang natapos niya, nagawa niyang mapaunlad ang dati’y maliit na autoshop niya.
Nakakatiyak din po ako na mahal ko si Mars at mahal din niya ako. Isa pa, nakahanda din ang boyfriend ko na mapatunayan kay tatay na hindi ako nagkamali sa pagpili sa kanya.
Si Tito Nanding ang hahali kay tatay sa paghatid sa akin sa altar, kasama ni nanay. Mas magiging makabuluhan po sana kung magbabago ang isip ni tatay, Dr. Love. Sa palagay n’yo po ba ang pagtutol na ito ni tatay sa aming pagiging mag-asawa ni Mars ay magiging hadlang para kami ay maging maligaya? Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po.
Gumagalang,
Chay
Dear Chay,
Subukan ninyong patuloy na suyuin ang iyong tatay, maaaring makuha sa tiyaga. Kung may chance ay sikapin mo rin na makapag-usap ang iyong husband-to-be at ang tatay mo. Maaaring hingin mo ang kooperasyon ng iyong ina, mga kapatid at iba pang mga kamag-anak para mai-workout ito.
Sa palagay ko, hindi nakasalalay sa pag-ayon o pagtutol ng magulang ang kaligayahan ng buhay may asawa, kundi sa pagsasama ng bagong kasal. Ilapit n’yo rin sa Dios ang hangad mo na mabago ang kalooban ng tatay mo. Dahil wala Siyang hindi magagawa para sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Best wishes, in advance!
DR. LOVE