Dear Dr. Love,
Ipinaabot ko ang isang mainit na pagbati sa inyo. Ikubli n’yo na lang ako sa alyas na Broken Hearted, dalaga at 25 anyos.
Sa limang naging boyfriend ko, ako ay lumuha dahil lahat sila’y mga taksil.
Mayroon ngayong nanliligaw sa akin. Hindi siya guwapo kundi maliit at maitim. Pero sa tingin ko ay tapat siya sa panliligaw. Isa pa, may maganda siyang trabaho.
Wala akong nararamdaman sa kanya. Pero sabi ko sa sarili ko, matututuhan ko rin siyang mahalin sa katagalan. Dahil dito’y sinagot ko siya.
Sa nangyaring ‘yun ay pinagtatawanan ako ng aking mga kaibigan. Maganda kasi ako at 5’5 ang height samantalang ang boyfriend ko ay pangit na 5’3 lang ang taas.
Pero alam kong wala akong dapat ikahiya. Sa palagay mo, Dr. Love tama bang sinagot ko siya kahit wala pa akong nararamdamang pag-ibig?
Broken Hearted
Dear Broken Hearted,
Tama ka. Wala kang dapat ikahiya kung kulang man sa ganda ang kasintahan mo basta’t mahal mo at inaakala mong tapat sa iyo.
Pero sa ngayon ay nagbabakasakali ka lang na umusbong ang pag-ibig pagdating ng araw. Ang tanong, paano kung hindi mangyari ‘yon?
Gayunman, sige lang at pakiramdaman mo ang sarili mo. Pero magiging unfair ka sa kasintahan mo kung darating ang panahon na bigla mo na lang siyang ibi-break.
Pero sana nga ay umusbong ang pag-ibig mo para sa kanya. Tutal, batay sa pagkakalarawan mo, hindi man siya guwapo ay may magandang intensyon at may matatag na trabaho.
Dr. Love