Tumatabang ang pag-ibig
Dear Dr. Love,
Hello po. Sumulat ako sa inyo dahil ibig kong humingi ng inyong payo sa problema ko. Tawagin mo na lang akong Celine, 25-anyos at malapit nang mag-asawa. Balak naming magpakasal ng aking boyfriend sa June.
Siya ang pang-limang naging boyfriend ko simula pa nang ako ay magdalaga. Okey naman siya at may magandang trabaho.
Limang buwan pa lang kaming magkasintahan ng boyfriend ko. Pero bakit ganito? Habang lumalaon ay nawawala ang love ko sa kanya?
Talaga Dr. Love, ‘di ko maunawaan ang sarili ko. Wala naman akong ibang napupusuan para tumabang ang pagtingin ko sa kanya.
Pero handa na ang preparasyon at mayroon nang mga wedding invitation pati reservation sa hotel na pagdarausan ng reception. Ang tanong ko ay dapat ko bang ituloy ang pagpapakasal sa kanya? Naiisip ko kasi na baka hindi mag-work ang aming pagsasama kung habang nagtatagal ay tumatabang ang pag-ibig ko sa kanya.
Sana ay mapagpayuhan mo ako.
Celine
Dear Celine,
Sa edad mo na 25-anyos, may sapat ka nang isip para gumawa ng tamang desisyon. Hindi ko rin maunawaan kung bakit bigla kang tinabangan sa kasintahan mo. May nakita ka bang malaking kapintasan sa kanya?
Hindi madaling kumawala sa ganyang situwasyon lalo pa’t may mga preparasyong naisagawa na.
Pero tama ka na isipin ang magiging kahihinatnan ng inyong relasyon kapag ganyan ang nararamdaman mo.
Pag-aralan mo munang mabuti ang iyong nararamdaman. Sikapin mong i-focus ang iyong isip sa magaganda niyang katangian na naibigan mo noong una mo siyang sagutin.
Sabi mo, maganda ang kanyang trabaho. Nangangahulugan, kaya niyang itaguyod ang pagpapamilya at iyan ay mahalaga sa isang relasyon.
Huwag kang magpadalus-dalos sa desisyon mo at sikapin mong mai-reconcile ang iyong damdamin sa lalaking takda mong pakasalan.
Dr. Love
- Latest