Tunay na kaibigan

Dear Dr. Love,

Hindi ko po alam kung maiinis o maaawa ako sa aking kaibigang si Carol na nawalan na yata ng pag-asa sa buhay nang layuan siya ng kanyang kinakasama matapos huthutan ang lifetime savings, na minana niya sa yumaong asawa.

Palibhasa’y nasanay na maalwang pamumuhay, hindi niya magawang magtipid. Nanatili rin sa pribadong paaralan ang dalawa niyang anak, naidispatsa na ang halos lahat ng mga naipundar na ari-arian ng kanyang asawa dahil panay pa rin ang pagka-casino niya.

Bilang kaibigan ay pinayuhan ko siyang tanggapin ang kanyang kapalaran at magsimula uli. Pero ang sabi niya, kung saan siya nadapa ay doon siya babangon. Pero lalo lang siya nababaon sa utang dahil sa kaka-casino niya.

Ganito ang kalagayan niya nang maiwanan ko siya dahil isinama kami ng aking asawa sa Singapore kung saan siya nadestino. Lumipas ang tatlong taon nang muli kami magkausap.

Nasa ospital siya at puno ng pasa sa katawan. Dahil binugbog siya ng huli niyang kinasama na isa pa lang adik.

Sinagot ko po ang bill niya sa ospital at sinabihan ko siya na kung handa na siyang magbagong-buhay ay saka niya ako tawagan. Sinabi ko rin na kalimutan na niya ang utang niya sa akin.

Pagkatapos noon ay bumalik na ako sa aking pamilya. Tama po ba ang aking ginawa? Maraming salamat sa pagbibigay daan ninyo sa liham na ito at more power.

Gumagalang,

Claire

Dear Claire,

Masuwerte si Carol sa pagkakaroon ng kaibigan na gaya mo. Dahil tunay ang pagmamalasakit mo sa kanya na makapagbagong buhay. Sana lang sa pagkakataong ito ay makinig na siya sa iyo. Bago pa tulu­yang mahuli ang lahat ay makapagbagong buhay na siya.

 DR. LOVE

Show comments