Kaibigan ang instant gf ng ex

Dear Dr. Love,

Alam ng lahat sa aming opisina ang pakikipagrelasyon ko kay Renato, kaya ipinaalam ko rin ang pakikipagkalas ko sa kanya. Dahil karaniwang nakikita siya sa aming tanggapan na inihahatid ako o kaya’y sinusundo.

Sa tatlong taong relasyon namin ni Renato ay unti-unting lumantad sa akin ang tunay niyang kulay. Ang hindi ko po matagalan ay nana­nakit siya kapag hindi nakuha ang gusto niya. Kung hindi naman po umabot sa pananakit ay pinaliliguan niya ako ng masasakit na salita.

Pero isang araw ay nagulat na lang ako dahil karelasyon na ni Renato ang kaibigan kong si Maritess. Para po akong binuhusan ng malamig na tubig nang kumpirmahin ito sa akin ng aking ex.

Iniisip ko po kung paano sila nagkaligawan nang hindi ko namamalayan. Hindi ko rin po maintindihan kung paano nabalewala ni Maritess ang aming pagkakaibigan, alang-alang sa lalaki na alam niya naman kung ano ang dinanas ko.

Ang sabi ni Maritess, hindi naman daw siya minamaltrato ni Renato. At anuman daw ang nakaraan namin ay wala siyang pakialam. Dahil ang mahalaga ay masaya sila at nagmamahalan.

Sumama po ang loob ko, pero hindi ko po matiyak kung ito ba ay damdaming nagseselos o dahil mahal ko pa rin si Renato? Pagpayuhan po ninyo ako Dr. Love. Mara­ming salamat po at hangad ko ang patuloy pang tagumpay ng malaganap ninyong column.

Gumagalang,

April

Dear April,

Kung ano man ang nadarama mong emos­yon, tanging ikaw lamang makakatiyak sa dahilan na nasa likod niyan. Pero kung ako sa’yo,  sikapin mo na huwag nang paapekto sa pakikipagrelasyon ng iyong kaibigan at ex mo.

Dahil natitiyak ko na may mas derserving na lalaking nakalaan sa’yo. ‘Yung hindi ka gagamitin at lalong hindi ka pagbubuhatan ng kamay. Biruin mo magnobyo pa lang kayo, nananakit na siya. Paano pa kaya kung mag-asawa na kayo? Move on.

DR. LOVE     

Show comments