Inilihim na pautang

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo?

Ikalawa ko na po itong pagliham sa inyo, Dr. Love. At inaasahan kong tulad nang naunang problemang idinulog ko sa inyo, mabibigyan ninyo uli ako ng magandang payo.

May kinalaman po ito sa listahan ng pautang ng yumao kong asawa na nahalukay ko sa kanyang baul ng mga file ng dokumento.

Ang susi ng kanyang baul ay ibinigay niya sa akin noong malinaw pa ang kanyang pag-iisip bago siya na-coma at nalagutan ng hininga.

May isang taon na po ang nakalilipas at saka ko lang naisipang buksan ang nabanggit na baul at doon po ay nakita ko ang listahan ng kan­yang pautang sa nakatatandang kapatid na babae at ito ay lingid sa aking kaalaman.

Marami na rin utang sa akin si Manang Editha. Ipinaalam  ko po sa iba pang kapatid ng mister ko ang mahigit sa P200,000.00 suma ng utang ni Manang Editha bukod pa ang sa mga anak niya. Mala­king halaga po ito na makakatulong din para ma­kabayad ako sa utang namin, sa pagpapagamot sa aking asawa.

Pero itinanggi ito ni Manang Editha at sinabing nabayaran na niya ito sa aking asawa. Hindi po ako naniniwala sa kanya, dahil ang petsa ng pagsusuma ng aking asawa ay ilang linggo lamang bago siya maospital.

Isinangguni ko na po ito sa abogado, pero ang payo sa akin ay hintayin na lang kung ka­ilan makakabayad ang aking hipag. Dahil wala rin naman itong trabaho. Payuhan mo po ako. Kakausapin ko po ba ang hipag ko?

Maraming salamat po.

Gumagalang,

Mrs. Leynes

Dear Mrs. Leynes,

Sa palagay ko ‘yun ang mabuting gawin mo, ka­usapin mo ang hipag mo kasama ng iba pang kapatid ng mister mo. Para anuman ang ma­­pagkasunduan ninyo ay may magpapatunay dito. Pamilya pa rin naman kayo, kaya manatili sana ang pagmamalasakit ninyo sa isa’t isa kahit may hindi pagkakaunawaan.

DR. LOVE

Show comments