Dear Dr. Love,
Masayang pagbati sa iyo, Dr. Love. Sumulat ako sa inyo dahil sa problema ko sa aking boyfriend.
Tawagin mo na lang akong Cynth, 27 anyos. Mag-iisang taon na kami ng boyfriend ko. Napansin ko ang madalas niyang panghihiram sa akin ng pera. Noong una ay ibinabalik niya pero ako na ang tumatanggi.
Dahil dito’y lalo pang dumalas ang panghihiram niya sa akin. Marami siyang sad story. Kesyo may sakit ang nanay niya. Napansin ko rin na hindi na siya nagkukusang magbayad sa utang niya sa akin. Minsan ay P1,000, kung minsan ay P500.
Nahihiya naman akong sitahin siya sa kanyang ginagawa. Wala akong pinagsasabihan sa aking problema dahil baka isiping ako ay ginagawang sugar mommy ng boyfriend ko.
Minsan naiisip ko nang makipag-break sa kanya dahil sa hindi magandang ugali niyang ito.
Kaso po ay para akong nakokonsensya nang dahil lang sa pera ay gagawin kong makipagsira sa kanya.
Ano maipapayo mo sa akin, Dr. Love?
Cynth
Dear Cynth,
Hindi kita masisisi kung maiisip mong makipag-break. Talaga naman na kahit sinong babae ay mawawalan ng gana sa ganyang ugali ng lalaki na imbes na siya ang tumulong sa babae ay siya pa ang laging tinutulungan.
Dapat ikaw ang magpasya. Isipin mo rin ang magiging future mo sa ganyang klaseng lalaki. Ngayon pa lang ay nakikita mo na, na hindi siya maaasahan bilang good provider. Paano pa kaya kung mag-asawa na kayo?
Dr. Love