Gumanti sa asawa

Dear Dr. Love,

Hanggang ngayon, masakit pa sa loob ko na napindeho ako ng maganda kong asawa. Kamukha po si Mina ni Vina Morales, maputi at maganda ang katawan.

Sumama siya kay Baldo, na kilalang user at pusher sa aming lugar. Hindi ko po alam kung ano ang nakita niya sa lalaking ‘yun. Wala naman po akong alam na nagawang pagkakamali, maliban sa iniwan ko siya agad pagkapanganak dahil isa akong seaman.

Ang sabi ng mga kabarangay ko, laging kausap ni Mina si Baldo tuwing malungkot ang aking asawa.

Dr. Love, marahil inakala ni Mina na chickboy ako dahil palabiro ako sa mga babae kahit nasa harap ko siya. Hindi niya alam na ginagawa ko lang ‘yun para mapanatili ang macho image ko. Dahil kinakantsawan ako sa aming barangay na naging under de saya mula nang makasal kami.

Nagdemanda po ako ng adultery dahil may anak na sila ni Baldo, naiwan naman sa akin ang tatlo naming anak na pawang babae.

Nang magkaharap kami sa korte, sinabi ni Mina na sumama siya sa ibang lalaki para gumanti sa sama ng loob na ibinigay ko dahil marami akong babae. Nagtagal po ang kaso. Ang sabi ng panganay kong anak ay iurong na lang ang kaso dahil naiiskandalo silang magkakapatid.

Sa palagay ko ay tama ang aking anak, nakatagpo na rin naman ako ng babae na tumanggap sa pagkapindeho ko at magkakaanak na rin kami.  Ang sabi ni Myrisa, handa siyang maghintay hanggang mapawalang bisa ang una kong kasal.

Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin, Dr. Love? Tama lang po ba ang ginawa ko? Tuluyan ko nang tinalikuran ang pagsi-seaman, furniture making po ang pinagkakaabalahan ko ngayon kasama si Myrisa.

Gumagalang,

Jerry

Dear Jerry,

Tutal may kani-kaniya na kayong buhay, harapin ninyo ang inyong mga obligasyon at ituloy ang pagpoproseso ng annulment para mailagay sa ayos ang inyong buhay at mapanatag na rin ang inyong mga anak.

DR. LOVE

Show comments