Paano mapapatawad?

Dear Dr. Love,

Maraming taon na rin ang lumipas simula nang umuwi ako sa bahay ng aking ina dahil ginawa akong punching bag ng aking asawa nang minsang magselos ito nang walang kapararakan.

Isa pa lang ang anak ko noon at nagtagal din kami ng ilang buwan. Wala na sana akong balak makipagmabutihan pa sa aking asawa pero bigla itong sumulpot sa bahay ng nanay ko, humingi ng patawad, nangakong hindi na mauulit at sinundo kami.

Galit na galit po ang nanay ko sa kanya at ayaw nang makipagbalikan ako. Kahit noong simula pa lang ay hindi gusto ni nanay na maging manugang si Zaldy at dumoble ang pagkasuklam niya rito nang saktan ako.

Nang mahikayat ako ni Zaldy na umuwi na, sinabi ni nanay na hindi na niya ako tatanggapin sakaling magkaproblema uli ako sa asawa ko. Dahil ayaw niya raw makita ang pagmumukha ni Zaldy.

Tinutoo naman po ng aking asawa ang pa­ngako niya at hindi na inulit ang pananakit sa akin. Tatlo na po ang anak namin ngayon at gusto ko sanang makita rin ni nanay ang dalawa pa niyang apo at makarga man lang habang kaya pa niya.

Pero baka po ma-high blood siya kapag nakita ang asawa ko. Ano po ba ang magandang gawin para mawala ang galit ng nanay ko kay Zaldy? Willing naman po ang asawa ko na gawin ang lahat para mapatawad siya ni nanay. Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat. Hihintayin ko ang makabuluhan mong payo.

Gumagalang,

Leonor

Dear Leonor,

Ang tinuturo ng bibliya na mabisang pampahupa ng galit ay ang pasikretong pagre­regalo. Padalhan n’yo muna ang nanay n’yo ng isang bagay na magugustuhan niya ng husto. At planuhin ang surpresang pagbisita, magdala rin kayo ng pasalubong o kaya’y bulaklak na paborito niya. Saka ninyo parehong aluin ang inyong ina at humingi ng tawad.

Ipagdasal n’yo rin lagi ang kalagayan ng kanyang kalusugan, lalo na ang puso niya para mapakawalan ang pagpapatawad para sa iyong mister.

DR. LOVE

Show comments