Mamanahin ang pakay?

Dear Dr. Love,

Naguguluhan po ako ngayon kung ang nalaman ko tungkol sa pagkakaroon ng relasyon ng aking pinsan sa kinakasama niya na kapapanganak lang.

Noong una pa lang ay hindi na mabuti ang trato kay Flor ng aking pinsang si Noli at maging ng pamilya nito. Nakiusap po kasi si Flor na pakasalan siya ng pinsan ko dahil itinakwil na siya ng kanyang pamilya sa probinsiya nang malamang buntis siya pero ayaw panagutan.

Sinabi ni Noli na wala pa siyang kakayahang magpakasal kaya bilang pambalubag sa noon ay buntis at umiiyak nang si Flor ay pinatira nila ito sa kanilang bahay, kung saan mistulang tsimay siya ng buong pamilya.

Nairaos ang panganganak ni Flor sa pampublikong ospital kung saan ko nakilala ang kapatid niyang si Rosette. Inakala raw ng kanyang ate na si Noli bilang tagapagmana ng kanilang malaking bahay ang siya nang mag-aahon sa kanya sa kahirapan. Nagkamabutihan sila hanggang magbuntis si Flor.

Sinabi pa ni Rosette na matagal na nilang pinauuwi ang kanyang ate para doon magbagong buhay. Pero nagpumilit ito sa poder ni Noli. Sa palagay n’yo po ba, dapat kong sabihin kay Tiya Pacing ang nalaman kong ito, ‘yung tungkol sa mana? Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Aurora

Dear Aurora,

Sa palagay ko, hindi na kailangan. Dahil maaaring naging pabalat-bunga lang ng iyong pinsan ang tungkol sa mana para mapaibig si Flor. Sa tingin ko sa mga pagtitiis ni Flor, hindi mana ang pakay niya kundi mahal niya talaga si Noli at nananatili ang pag-asa niyang magbabago ito lalo na ngayon na may anak na sila.

DR. LOVE

Show comments