Demanding na Mister

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo Dr. Love, ano mang oras ninyo mabasa ang sulat ko. Sana lang matulungan ninyo ako sa problemang taglay ko. Tawagin n’yo na lang po akong Paula, 30 anyos, may asawa at apat na anak.

Lagi po kaming nagtatalo ng mister ko tungkol sa pera. Hindi malaki ang kinikita niya pero masyado siyang demanding. Gusto niya palagi ay masarap na ulam pero kulang naman ang iniintrega niya. Minsan ay nagkainitan kami. Tahasan kong sinabi sa kanya na huwag siyang magdi-demand dahil bitin ang perang ibinibigay niya. Kung gusto niya ng masarap na pagkain ay  mag-intrega siya ng sapat.

Sinampal niya ako at naglayas ako sa amin kasama ang aking mga anak. Isang buwan na kaming nakikitira sa mga magulang ko.

Sinusuyo ako ngayon ng mister ko pero naiinis talaga ako. Ayaw ko nang ma­kipagbalikan sa kanya. Nangako siyang magbabago pero ayaw ko na talaga kahit pinapayuhan ako ng nanay ko na bigyan siya ng pagkakataon.

Ano ang maipapayo mo sa akin, Dr. Love?

Paula

Dear Paula,

Kung ano ang advice ng mother mo sa iyo ay siya ko ring uulitin. May mga anak kayo at alang-alang man lang sa kanila ay bigyan mo ng isang tsansa ang iyong asawa. Mahirap lumaki ang mga bata na walang ama. Madalas, kapag hindi buo ang pamilya, ang mga anak ay lumalaking ligaw ang landas. Hahayaan mo bang mangyari sa mga supling mo iyan?

Marahil naman ay nabigyan mo na siya ng leksyon para baguhin ang kanyang demanding na ugali. Nakita niyang determinado mo siyang iwan kaya magbabago na iyon. Dapat nga’y magsumikap siya para ma-promote at tumaas ang sahod para sa kanyang lumalaking pamilya.

Walang taong perpekto kaya magtulungan kayo na ituwid ang pagkukulang ng isa’t isa.

Dr. Love

Show comments