Dear Dr. Love,
Wala pa po kaming isang taong nakakasal ni Marlon, iniipon pa lang namin ang pang-down sa bibilhin naming house and lot.
Dahil sa pangarap na ito kaya hindi pa kami handang magkaroon ng baby. May joint account kami ng aking asawa. Hindi naman malaki ang sinasahod niya sa pinapasukang kompanya, kaya ang malaking bahagi ng savings ay galing sa sweldo ko bilang CPA. May sarili rin akong savings account. Dahil ihiniwalay ko ang ipon ko noong dalaga pa, gaya ng laging bilin ni nanay. Para kung mangailangan ay may madudukot ako.
Inalok po ako ng nanay ko na siya na muna ang bibili ng aming dream house at sa kanya na lang kami maghulog nang walang interes. Nagdalawang-isip po ako dito. Hanggang may nangyaring hindi inaasahan, kailangang i-by pass ang ama ni Marlon at ang kulang na pondo ay inilapit sa kanya ng mga kapatid niya.
Sa madaling salita, nalusaw ang savings namin. Masama man ang loob ko dahil para ‘yun sa pangarap naming bahay, ang konsuwelo ko na lang ay gumaling ang biyenan ko.
Binanggit uli ni nanay ang proposal, tinanggap ko na po. Pero tumanggi si Marlon dahil nahihiya. Iginiit ko po ito at ngayon ay masayang-masaya ako na itinatayo na ang aming bahay.
Pansinin at dili po ako ng aking asawa, Dr. Love. Sobrang pabor sa amin ang alok ng nanay ko at babayaran naman namin ‘yun. Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat ko gawin para maging magiliw muli si Marlon sa akin?
Maraming salamat po at mabuhay kayo Dr. Love.
Gumagalang,
Feliza
Dear Feliza,
Lawakan mo ang iyong pang-unawa, pasasaan ba at huhupa rin ang tampuhan. Maaaring nasagi nga ang ego ng iyong asawa pero kung lagi mo siyang lalambingin, siguradong mawawala rin ‘yan at baka magka-baby na kayo sa lalong madaling panahon.
DR. LOVE