Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo? Please, huwag mo nang babanggitin ang tunay na pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Cecil.
Buntis ako ngayon sa isang lalaking may pananagutan na. Dalawang buwan na ang aking dinadala.
Ang kasintahan kong may asawa ay taga-Tacloban, Leyte. Naninirahan na silang mag-asawa rito sa Maynila pero bago maganap ang delubyo roon ay umuwi siya ng probinsya at hanggang ngayo’y wala na akong balita sa kanya.
Nangangamba ako na baka kabilang siya sa mga namatay dahil sa malaking pagbaha.
Hindi ko mabanggit ang kanyang pangalan dahil mai-eskandalo siya at kung sakaling wala na siya, hindi siya mag-iiwan ng mabuting alaala sa kanyang pamilya.
Pero gusto ko lang sabihin na napakasakit para sa akin ng nangyari lalu pa’t hindi ko batid kung buhay pa siya o wala na. Hindi ko personal na kakilala ang kanyang misis pero ayaw ko nang tuntunin pa siya dahil baka magkaroon ng eskandalo.
Ngayon ako nagsisisi sa aking ginawa. Walang magsusustento sa aking magiging anak at hindi alam ng mga magulang kong nasa La Union ang aking kalagayan. Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin?
Cecil
Dear Cecil,
Harinawa’y buhay pa ang ama ng iyong magiging anak. Pero dahil walang katiyakan ang bagay na iyon, magpakatatag ka at sikapin na makahanap ng matinong trabaho para maitaguyod mo ang iyong ipinagbubuntis.
Makakabuti rin kung ipaaalam mo sa iyong mga magulang ang kalagayan mo. Sakaling magalit sila, tanggapin mo at magpakumbaba ka dahil sa naging pagkakamali mo. Pero pasasaan din at kahuhumalingan nila ang iyong anak at magiging maayos ang lahat. Sana huwag kang makalimot sa aral na natutunan mo sa iyong pagkakadapa.
Dr. Love