Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati sa inyo, Dr. Love. Tawagin mo na lamang akong Consorcia, 26-anyos at may asawa.
Bago ko pakasalan ang asawa kong si Artemio, tutol ang aking mga kaanak lalo na ang aking mga magulang dahil may lahi raw silang baliw.
Ang panganay niyang kapatid ay ginagamot pa rin sa mental hospital at ang kapatid ng kanyang ama ay namatay na may manic depression.
Pero nasunod ang aking puso. Nagpakasal kami ni Artemio at sa loob ng aming apat na taong pagsasama ay nagkaanak kami ng isa.
Mahal ko si Artemio ano man ang sabihin nila. Nagtatrabaho siya sa isang bangko pero kamakailan ay natanggal siya sa trabaho. Hindi naman malakas ang epekto sa amin ng pagkakaalis niya dahil may trabaho naman ako na malaki-laki ang sahod.
Magmula noon ay may mga tiyempong siya’y natutulala. Kung minsan ay inaabutan ko siyang mag-isa na bubulung-bulong na tila kinakausap ang sarili.
May oras naman na matino siya pero tingin ko’y dinamdam niyang labis ang kanyang pagkakaalis sa trabaho.
Natatakot ako sa maaaring mangyari. Ano ang dapat kong gawin?
Consorcia
Dear Consorcia,
Kausapin mo siya nang madalas. Mamasyal kayo kapag day off mo. I-motivate mo siya at sabihing makakahanap siya ng bago at mas magandang trabaho.
Minsan, ang kapansanan sa isip ay talagang namamana. Pero puwedeng mapigilan iyan kung ang ka-partner ng isang taong may tendency na mabaliw ay magiging encouragement sa kanya.
Ipakita mo na mahal mo siya at huwag kang magpapakitang naiirita sa kanya.
Dr. Love