Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa iyo at hangad kong nasa mabuti kang kalusugan sa araw na tanggapin mo ang sulat kong ito.
Ipahintulot mo na huwag ko nang sambitin ang buo kong pangalan. Tawagin mo na lang akong Elsie, 40-anyos.
Dalaga pa rin ako dahil sa walang sawang paghihintay sa kasintahan kong nagpakasal sa ibang babae. Napikot daw siya.
Masakit na masakit sa akin ang nangyaring ito dahil mahal na mahal ko siya. Siya ang lalaking pinagkatiwalaan ko at naibigay ko sa kanya ang aking pagkababae dahil sa laki ng pag-ibig ko sa kanya.
Kahit nagtaksil siya sa akin ay hindi nagbago ang pagmamahal ko. Oo, kahit ako’y nasaktan. Sabi niya sa akin, babalikan niya ako dahil ako ang babaeng tunay niyang mahal.
Balita ko’y nasa banig ng malubhang karamdaman ang asawa niya at ang sabi niya ay babalikan niya ako kapag pumanaw ang asawa niya. May taning na ang buhay ng asawa niya dahil sa cancer sa matris.
Para naman akong nagi-guilty na hinihintay ko ang pagpanaw ng isang tao para magbalik sa akin ang minamahal ko. Sabi ko sa kanya, kalimutan na lang niya ako. Tama ba ang sinabi ko sa kanya?
Elsie
Dear Elsie,
Bad taste nga na sabihin niya, sa panahong nasa bingit ng kamatayan ang asawa niya, na magbabalik siya sa iyo kapag ang misis niya ay namatay.
Tama ka. Imbes na hintayin mo ang pagpanaw ng asawa niya, ipanalangin mo ang kanyang kagalingan. Iyan ang dapat maging asal bilang tunay na Kristiyano.
At kung darating ang araw na pumanaw nga siya, doon ka magpasya kung makikipagbalikan ka sa nagsalawahan mong boyfriend. At ikaw lamang ang tanging makapagpapasya sa bagay na iyan.
Dr. Love