Dear Dr. Love,
Isang tawag sa telepono ang nagpawindang sa Pasko ko, Dr. Love. Galing ito sa aking biyanan na nagpapasaklolo at humihingi ng pera dahil na-stroke ang ama ng aking mga anak.
Hiwalay na kami ni Jun, hindi ko matagalan ang kalbaryong kalagayan dahil kontento na siyang sumandal sa kanyang ina, ayaw magtrabaho, sinasaktan niya ako kapag walang maibigay na pera at ang matindi pa ay may bisyo siya na kinukunsinti ng kanyang magulang.
Dating marangya ang buhay ng aking biyanan, kaya ganon na lang ang tingin niya sa akin na pumatol pa raw sa kanyang anak. Nagkakilala kami sa rehab ni Jun, nurse po ako. Akala ko ay magtutuluy-tuloy na ang pagbabago niya pero mas pinili niyang bumalik sa dating gawi.
Ang magulang ko at mga kapatid na nasa states ang sumasagot sa aming apartment at tumutulong sa akin sa pagpapaaral sa aking dalawang anak, sa kondisyong hindi ko na babalikan ang aking asawa.
Hindi na rin po ‘yun mangyayari dahil wala na akong amor kay Jun. Wala nang dahilan para makipagmabutihan ako sa kanilang mag-ina. Ni-minsan ay hindi man lang nagawang masilip ang mga bata, tapos para akong bangko na hihingian ng 50,000 dahil sa mamahaling ospital dinala ang kanilang anak. Pwede naman sa government hospital dahil doon ako nagtratrabaho.
Ang 13-anyos na anak ko ang pinapunta ko sa ospital, Dr. Love bilang malasakit sa kanyang ama. Pero sa kwento ng aking anak ay nainis pa ang papa niya dahil 5,000 lang ang naipadala kong pera. Tatlong araw si Nap sa ospital at ayaw nang bumalik, kahit anong pilit ng kanyang lola at papa. Dapat ko bang kumbinsihin ang aking anak, Dr. Love?
Gumagalang,
Jenny
Dear Jenny,
Kung makakahanap ka ng paraan na mapalubag ang kalooban ng iyong anak at makumbinsi siya, gawin mo dahil nananatiling ama niya pa rin ang nasa ospital. Kung walang mangyari, hindi naman natin masisisi ang bata dahil kulang din sa pagtatanim ng pagmamahal ang ama sa anak.
Kung magkaganon, sikapin mo pa rin makipag-usap ng mabuti sa iyong biyanan kahit bilang pakikisimpatiya. Pero kung hahantong sa pang-gigipit sa pera, ibang usapan na ‘yun.
DR. LOVE