Ayaw ng commitment

Dear Dr. Love,

Isa akong balo sa edad na 42, may anak na babae na second year college na. May boyfriend po ako at tatlong taon na kami. Alam ko na mahal ko siya at ganoon din naman siya sa akin. Pero ayaw ko po ng commitment.

Nangangamba ako na mabansot ang relasyon namin ni Benny at masadlak kaming mag-ina sa kahirapan kung magpapakasal ako. Hindi ko po gusto na muling maghirap gaya noong panahon ng aking kadalagahan.

Hindi ko po nakikita ang seguridad sa aspetong pinansiyal kay Benny. Dahil wala siyang matatag na kabuhayan. Kung bubuo kami ng panibagong pamilya at dumanas ng kakapusan, maaaring humantong din ito sa hiwalayan.

Hindi gaya ng iniwan sa aming mag-ina ng a­king pumanaw na mister na si Manolo. May sapat kaming kabuhayan para maitawid ang ara­wang pangangailangan, maging ang pag-aaral ng aking anak hanggang siya ay makatapos.

Nag-aaya na po si Benny na pakasal kami. Pero nananatili pa rin po ang estado ng kalo­oban ko na hindi papasok sa anumanag commitment. Hindi ko naman po ninanais na agarang maki­paghiwalay dahil umaasa pa rin ako na baka sakaling magkaroon ng pagbabago ang kalagayan niya sa buhay.

Ano po ba ang dapat kong gawin? May iba pang nagkakagusto sa akin na mas may malinaw na katatagan sa pinansiyal.

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng inyong column. Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat.

Gumagalang,

Portia

Dear Portia,

Kung natitiyak mo sa iyong kalooban ang kawalan ng kahandaan sa muling pagpapakasal. Huwag mong gawin. Dahil malamang sa hindi, ang kawalan ng katiyakan sa sarili ay humahantong sa pagsisisi.

Sa palagay ko ay hilaw pa ang pagsasama ninyo ng iyong boyfriend. Dahil ang tunay na pagmamahal ay magagawang tanggapin ang anumang meron at kakulangan ng kanyang partner.

Blessed New Year to you, too.

DR. LOVE

Show comments